NOBYEMBRE 25, 2024
CANADA
Naging Mabunga ang mga Espesyal na Kampanya ng Pangangaral sa Canada Noong 2024
Noong Agosto at Setyembre 2024, nakibahagi ang mga Saksi ni Jehova sa mga espesyal na kampanya ng pangangaral sa iba’t ibang lugar sa Canada. Maraming magagandang karanasan doon ang mga kapatid.
Kampanya ng Pangangaral sa Hilaga
Mahigit 800 Saksi ni Jehova ang nakibahagi sa espesyal na kampanya ng pangangaral sa Far North ng Canada. May mga kapatid na nagpunta sa Iqaluit, Nunavut; mayroon din sa Yellowknife, Northwest Territories; at ang iba naman ay sa Whitehorse, Yukon. Pagdating sa mga lugar na iyon, hinati-hati sila sa mga grupo at pumunta sila sa 39 na malalayong bayan at nayon na mararating lang sa pamamagitan ng eroplano. May mga pilotong Saksi sa Canada at United States na nagboluntaryong dalhin doon ang mga kapatid gamit ang sarili nilang eroplano. Sa panahon ng kampanya, 275 ang humiling ng pag-aaral sa Bibliya. Isinaayos ng mga kapatid na ma-study ang mga ito sa telepono o videoconference.
Isang pilotong brother mula sa United States, kasama ang isang mag-asawa na ihahatid niya sa Mackenzie River (makikita sa background) sa Northwest Territories ng Canada
Sa Yellowknife, nakipag-usap ang isang sister sa isang babaeng empleado sa hotel na tinutuluyan ng grupo nila. Sinabi ng babae na nalulungkot siya sa nangyayari sa mundo. Sinamantala ng sister ang pagkakataong iyon para maipakita ang brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman at maipaliwanag ang tungkol sa magandang kinabukasang sinasabi ng Bibliya. Gustong-gusto ng babae na matuto pa tungkol sa mga pangako sa Bibliya kaya nakipag-iskedyul ang sister na maipagpatuloy ang pag-uusap nila sa videoconference.
Pangangaral sa Iba’t Ibang Wika
Sa tatlong lunsod sa Canada, halos 600 kapatid ang nakibahagi sa apat na kampanya ng pangangaral: sa wikang Arabic sa Montreal, Chinese Mandarin at Persian sa Vancouver, at Punjabi sa Brampton, malapit sa Toronto. Mahigit 100 ang tumanggap ng Bible study sa mga kampanyang ito.
Habang nagbabahay-bahay sa Montreal ang dalawang sister, nakausap nila ang isang Arabeng kabataang babae. Sinabi nito na kakapanalangin lang niya na tulungan siya ng Diyos na maintindihan kung bakit napakahirap ng buhay. Matapos basahin ng mga sister ang Apocalipsis 21:4 at ipaliwanag ang pangako ng Diyos na aalisin niya ang kirot at pagdurusa, naluha ang babae. Masaya niyang tinanggap ang brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman at gustong-gusto na agad magpa-Bible study.
Sa isang bus sa Vancouver, nakausap ng dalawang sister ang isang babae mula sa Iran. Tuwang-tuwa ang babae nang batiin siya ng mga sister sa wikang Persian. Sinabi niya na sinimulan niyang basahin ang Bibliya mga 15 taon na ang nakakalipas, pero nahihirapan siyang maintindihan ito. Ipinaliwanag ng mga sister kung paano makakatulong sa kaniya ang programa natin ng pag-aaral sa Bibliya para mas matuto pa tungkol sa Salita ng Diyos. Masayang-masaya ang babae, at pumayag itong magpa-Bible study agad kinabukasan.
Nakakatuwang malaman ang magagandang karanasan na ito, at sigurado tayong pinapahalagahan ni Jehova ang mga sakripisyo ng mga kapatid nating nakibahagi sa mga kampanyang ito.—Awit 110:3.

