Tagalog
Tuwang-tuwa ang mga Kapatid sa Pag-aalay ng Bagong mga Pasilidad ng Bethel sa Cameroon
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/702025087/univ/art/702025087_univ_sqr_xl.jpg

MAYO 16, 2025
CAMEROON

Ang inialay na bagong mga pasilidad sa sangay ng Cameroon sa Douala. Maliit na larawan: Ang dating mga pasilidad ng sangay, na itinayo noong 1994

Tuwang-tuwa ang mga Kapatid sa Pag-aalay ng Bagong mga Pasilidad ng Bethel sa Cameroon

Si Brother Geoffrey Jackson, habang nagbibigay ng pahayag sa pag-aalay

Tuwang-tuwa ang mga Kapatid sa Pag-aalay ng Bagong mga Pasilidad ng Bethel sa Cameroon

Noong Abril 19, 2025, inialay ni Brother Geoffrey Jackson, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang bagong mga pasilidad sa sangay ng Cameroon sa lunsod ng Douala. Ang programa ng pag-aalay ay ginanap sa kalapít na Logbessou Assembly Hall. Dinaluhan ito ng 6,208 katao sa mismong venue, at 309 pa ang nakapanood ng programa sa pamamagitan ng videoconference. Kinabukasan, 65,593 ang dumalo sa isang espesyal na pulong na naka-stream sa lahat ng 739 na kongregasyon sa buong teritoryo ng sangay, kasama na ang Cameroon, Equatorial Guinea, at Gabon.

Noong 1994, itinayo ang dating tanggapang pansangay sa Cameroon pagkatapos ng mahigit 20-taóng pagbabawal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova doon. Noong panahong iyon, mahigit lang sa 19,000 mamamahayag ang nasa teritoryo ng sangay. Pero paglipas ng 30 taon, halos natriple ang bilang ng mamamahayag at umabot sa mahigit 52,000! Para mas masuportahan ng sangay ang gawain sa buong teritoryo nila, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang pagtatayo ng bagong mga pasilidad. Noong 2018, sinimulan ang pagtatayo ng bagong tahanang Bethel, at makalipas lang ang dalawang taon, noong Enero 2020, lumipat na ang pamilyang Bethel doon. Pero dahil sa COVID-19 pandemic, hindi agad nagkaroon ng programa ng pag-aalay.

Kaliwa: Ang main lobby ng sangay sa Cameroon. Kanan (mula sa itaas pababa): Isa sa 26 na kuwarto, isang silid-kainan, at pinalaking espasyo para sa mga opisina sa pasilidad ng sangay

Ilang araw bago ang programa ng pag-aalay, nasiyahan ang maraming bisita sa pakikisama sa kanilang mga kapatid. Inanyayahan silang mag-tour sa bagong mga pasilidad ng Bethel, kasama na ang isang pansamantalang eksibit tungkol sa kasaysayan ng bayan ni Jehova sa Cameroon, Equatorial Guinea, at Gabon. May iba pang eksibit tungkol sa mayamang kultura ng tatlong bansang ito. Marami rin ang nakapangaral kasama ng mga kapatid doon.

Talagang nakapagpapatibay ang programa ng pag-aalay, pati na ang mga inihandang activity. Ganito ang sinabi ni Brother Douglas Dunsire, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Cameroon: “Ang programang ito ang talagang kailangan namin. Sinasabi sa 1 Hari 8:66 na pagkatapos ialay ang templo na itinayo ni Solomon, ang lahat ay ‘umuwing nagsasaya at maligaya ang puso.’ Ganiyan din ang mga dumalo sa pag-aalay na ito.”

Mga kapatid na ipinapakita ang kanilang pagpapahalaga sa pag-aalay ng bagong mga pasilidad ng sangay sa Cameroon

Sa programa, sinabi ng isang tagapagsalita na pinatutunayan ng pagsulong sa Cameroon, Equatorial Guinea, at Gabon na “walang makakapigil kay Jehova sa kung ano ang gusto niyang gawin.”—Isaias 34:17.