DISYEMBRE 10, 2024
CAMEROON
Mahigit 1,700 ang Humiling ng Pag-aaral sa Bibliya sa Espesyal na Kampanya ng Pangangaral sa Malalayong Lugar sa Cameroon
Mula Mayo hanggang Setyembre 2024, mahigit 1,000 Saksi ni Jehova sa Cameroon ang nakibahagi sa isang espesyal na kampanya ng pangangaral sa malalayong lugar sa bansa. Tinatayang 40 porsiyento ng populasyon sa Cameroon ang nakatira sa liblib na mga lugar. Sa panahon ng kampanya, mahigit 1,700 ang humiling ng pag-aaral sa Bibliya.
Omende, Cameroon
Sa bayan ng Ombessa, dalawang sister ang nakipag-usap sa isang lalaking may nagtatagal na sakit. Nang sabihin ng lalaki na napakalungkot niya dahil hindi pa rin siya nakakahanap ng lunas sa sakit niya, ipinakita ng mga sister ang pangako ni Jehova sa Apocalipsis 21:3, 4. Itinanong ng lalaki, “Posible ba talaga ’yon?” Kaya binasa ng mga Saksi ang Daniel 2:44 at ipinaliwanag na ang Kaharian ng Diyos lang ang solusyon sa mga problema ng tao. Gustong-gusto ng lalaki na matuto pa tungkol dito kaya tinanggap niya agad ang inialok sa kaniyang Bible study.
Sa pagbabahay-bahay sa Löwe, may nakausap ang dalawang sister na isang babae tungkol sa pag-asa ng mga patay. Pagbalik nila sa babae makalipas ang ilang araw, natuwa sila dahil nag-imbita ang babae ng dalawang kaibigan para sumama sa pag-aaral. Gustong-gusto ng tatlong babaeng iyon na matuto nang higit pa sa mga pangako ng Bibliya. Matapos nilang pag-aralan ang aralin 2 ng brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman, sinabi ng mga babae na gusto nilang ipagpatuloy ang pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi.
Bafou, Cameroon
Sa Mouanko, may nakausap ang mga sister na isang babae sa isang tindahan. Naririnig pala sila ng isang matandang lalaki at sumali rin ito sa usapan nila. Pareho silang inalukan ng mga sister ng Bible study at inimbitahan sa pulong. Masayang-masaya ang mga sister nang makita nila sa pulong nang weekend na iyon ang babae at dalawa nitong anak. Natuwa rin sila dahil dumalo pati ang matandang lalaki. Na-enjoy nila ang pulong at nangako silang dadalo sila ulit sa susunod.
Pinapahalagahan natin ang kasigasigan ng mga kapatid natin sa Cameroon sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa “lahat ng uri ng tao.”—1 Timoteo 2:4.

