ABRIL 7, 2021
CAMBODIA
Bagong Sanlibutang Salin, Inilabas sa Wikang Cambodian
Noong Abril 3, 2021, inilabas ang nakaimprenta at digital format ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Cambodian. Inirekord ang programa at ipinalabas sa lahat ng kongregasyon at grupo sa Cambodia. Si Brother Kenji Chichii, miyembro ng Komite ng Sangay sa Japan, a ang naglabas ng Bibliya.
Ang wikang Cambodian ay sinasalita ng mga 16 na milyon katao. Mahigit 1,100 ang Saksi ni Jehova sa Cambodia.
Sinabi ni Brother Masahiro Harada, miyembro ng Komite ng Sangay sa Japan: “Alam naming makakatulong ang saling ito sa mga nagbabasa na makita ang magagandang katangian ng Diyos, gaya ng pag-ibig, pagmamalasakit, at awa. Gamit ang saling ito, mas marami pa sanang tapat-pusong taga-Cambodia ang mapalapít kay Jehova at pumuri sa kaniya.”
Anim na translator na hinati sa dalawang team ang nagtulong-tulong sa proyekto, at natapos nila ito sa loob ng apat na taon. Sinabi ng isa sa mga translator: “Ang bagong Bibliyang ito ay hindi gumagamit ng mga salitang mahirap maintindihan. Naabot agad nito ang puso ko. Kapareho ng Awit 139:17 ang naramdaman ko: ‘Napakahalaga sa akin ng mga kaisipan mo!’”
Sinabi ng isa pang translator: “Kapag nabasa ng mga kapatid ang bagong Bibliyang ito, siguradong mas mapapalapít sila kay Jehova. Y’ong mga nalulungkot, sasaya. Y’ong mga napapaharap sa problema, mararamdaman nilang ligtas sila. Y’ong mga sobrang nag-aalala, mapapanatag. At kapag napaharap sila sa mga pagsubok, mapapatibay sila.”
Naniniwala kami na sa tulong ng saling ito, mas marami pa ang makakakilala sa Dakilang Maylalang, si Jehova, at magbibigay ng karangalan at papuri na nararapat sa kaniya.—Apocalipsis 4:11.
a Ang sangay sa Japan ang nangangasiwa sa gawain sa Cambodia.

