Pumunta sa nilalaman

OKTUBRE 9, 2014
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Mga Saksi ni Jehova Umaksiyon sa Pagkalat ng Ebola

Mga Saksi ni Jehova Umaksiyon sa Pagkalat ng Ebola

NEW YORK—Habang kumakalat sa West Africa ang nakamamatay na Ebola, patuloy ang mga Saksi ni Jehova sa pagtuturo sa kanilang mga miyembro tungkol sa sakit na ito.

Nang mabalitaang ang Ebola virus ay lumitaw sa Guinea at mabilis na kumakalat sa kalapit na Liberia at Sierra Leone, ang mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa rehiyong ito ay kaagad na sumulat sa lahat ng kongregasyon sa tatlong bansang iyon. Ipinaliwanag sa sulat kung gaano kapanganib ang Ebola virus, kung paano ito kumakalat, at kung anong mga pag-iingat ang dapat gawin para maiwasan ito. Kasama sa ibinigay na impormasyon ang mga tagubilin at mungkahi ng lokal na mga ahensiya ng gobyerno. “Dahil hindi gaanong naiintindihan sa lugar na ito ang mga sakit at maraming haka-haka tungkol sa pinagmumulan ng Ebola, noong una marami ang nalilito kung ano ang dapat gawin,” ang sabi ni Collin Attick, tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Sierra Leone. “Pero nang marinig ng aming mga miyembro sa kanilang Kingdom Hall ang mga tagubilin, nakipagtulungan sila at kaagad na kumilos.”

Noong Hulyo, sinimulan ng mga naglalakbay na kinatawan ng mga Saksi ni Jehova ang isang espesyal na dalawang-araw na pagbisita sa bawat kongregasyon sa Sierra Leone at Guinea. Kasama sa dalaw na ito ang isang diskurso na pinamagatang “Nagliligtas ng Buhay ang Pagiging Masunurin.” Sa diskurso, ang tagapagsalita ay nagbibigay ng mga praktikal na mungkahi kung paano maiiwasan ang sakit at nagpapayong sundin ang ibinibigay na mga tagubilin. Magpapatuloy ang mga pagbisitang ito hanggang Nobyembre 2014. Bukod diyan, nag-set up din ang mga Saksi ng mga lugar na mapaghuhugasan ng kamay, gamit ang tubig na may bleach, sa pasukan ng lahat ng pulungan ng mga Saksi (tinatawag na Kingdom Hall) sa Guinea, Liberia, at Sierra Leone. Tinutularan ito ng karamihan ng mga Saksi sa mga bansang ito kaya naglalagay rin sila ng hugasan ng kamay sa kani-kanilang bahay.

Bilang pag-iingat, isang pamilyang Saksi sa Dolo’s Town, isang komunidad sa silangan ng Monrovia, Liberia, ang sumusunod sa utos tungkol sa quarantine. Inalis ang quarantine noong Setyembre 8, 2014.

Ayon sa report ng World Health Organization na may petsang Oktubre 1, 2014, mayroon nang 7,178 kaso ng Ebola at mahigit 3,300 na ang namamatay sa kasalukuyang pagkalat ng Ebola sa West Africa, at inaasahang darami pa ang mga ito. Hanggang noong Oktubre 2, sa 2,800 Saksi sa Guinea at Sierra Leone, isang babaeng nurse na Saksi ang nagkasakit ng Ebola at namatay noong Setyembre 25, 2014. Sa 6,365 Saksi sa Liberia, 10 ang namatay sa sakit na ito; ang 6 sa kanila ay mga health worker. Bagaman kumalat na kamakailan ang virus sa Nigeria, wala pang Saksi roon ang nahahawa. Gayundin, wala pang Saksing misyonero sa mga bansang ito ang nahahawa; noong kumakalat ang virus, ang ilan sa kanila ay nasa bakasyon o dumadalo sa mga kombensiyon sa Europa at Estados Unidos. Ang ilan ay bumalik na sa kanilang teritoryo kamakailan; gumagawa sila ng kinakailangang pag-iingat at sumusunod sa mga tagubilin ng lokal na tanggapang pansangay. Ang ibang misyonero naman ay hindi pa nakakabalik dahil sa mga restriksiyon sa pagbibiyahe sa eroplano o sa iba pang kadahilanan.

Lugar na mapaghuhugasan ng kamay sa isang Kingdom Hall sa Sierra Leone.

Tinutulungan ng mga relief committee ng mga boluntaryong Saksi ang mga lokal na Saksi sa pag-aasikaso sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya at mga kapananampalataya sa mga bansa sa West Africa na matinding sinasalot ng Ebola. “Nakakatulong sa amin ang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya tungkol sa kalinisan at quarantine para maharap ang sitwasyong ito,” ang sabi ni Thomas Nyain, Sr., tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Liberia. “Bilang mga Saksi ni Jehova, iniiwasan namin ang mga kaugalian sa paglilibing na di-kaayon ng Kasulatan. At nagsisilbing proteksiyon iyon para sa lahat ng aming miyembro, lalo na sa kritikal na panahong ito.”

Sa Sierra Leone, ibinalita ng isang lokal na istasyon ng radyo kung paano tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova ang mga miyembro nila at ang mga di-Saksi sa komunidad para maiwasan ang Ebola virus. Hinilingan din ng mga awtoridad doon ang relief committee ng mga Saksi na tulungan ang mga ahensiya ng gobyerno sa lugar na iyon.

“Napapatibay kaming makita na ang mga kapananampalataya namin sa West Africa ay nag-iingat habang patuloy pa rin sa kanilang espirituwal na mga gawain at pagtuturo ng Bibliya hangga’t posible,” ang sabi ni J. R. Brown, tagapagsalita ng mga Saksi sa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan sa New York. “Lagi naming inaalala at ipinapanalangin ang aming mga kapananampalataya at ang iba pang tao na apektado ng Ebola virus.”

Media Contacts:

International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000

Guinea: Thierry Pourthié, tel. +224 631 40 96 50

Liberia: Thomas Nyain, Sr., tel. +231 886 513 414

Nigeria: Paul Andrew, tel. +234 7080 662 020

Sierra Leone: Collin Attick, tel. +232 77 850 790