Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya—Crimea
Ang walang-awang pang-uusig ng Russia sa mga Saksi ni Jehova ay umabot na sa Crimea. Sa Russia, hindi lang ipinagbawal ng gobyerno ang legal na korporasyon ng mga Saksi, ipinakita rin nilang gusto nilang alisin ang mapayapang pagsamba ng mga ito. Nang magsimula ang pagbabawal noong Abril 2017, maraming beses nang ni-raid ng mga awtoridad sa Russia ang mga pagtitipon ng mga Saksi sa buong bansa, kaya maraming Saksi ang inaresto at ipinakulong. Iyan din ang nararanasan ngayon ng mga Saksi ni Jehova sa Crimea.
Ang unang malawakang pag-raid sa Crimea ay naganap noong Nobyembre 15, 2018, sa Dzhankoy, nang i-raid ng mga 200 pulis ang walong bahay kung saan nagtitipon ang mga Saksi para basahin at pag-usapan ang Bibliya. Pinasok ng di-bababa sa 35 armado at nakamaskarang pulis ang bahay ni Sergey Filatov, kung saan anim na Saksi ang nandoon. Na-trauma ang mga Saksi sa pangyayaring ito. Sa ginawang raid ng mga pulis, isang 78-anyos na lalaki ang itinulak sa pader, pinadapa, pinosasan, at binugbog kaya kinailangan siyang dalhin sa ospital. Sa pagkabigla at sa sobrang stress, dalawang may-edad na brother ang tumaas ang presyon ng dugo at kinailangang isugod sa ospital. Nakakalungkot din na sa isang bahay na ni-raid, isang sister ang nakunan.
Pagkatapos ng raid, kinasuhan si Mr. Filatov ng pag-oorganisa ng gawain ng “ekstremistang organisasyon” batay sa Article 282.2(1) ng Russian Criminal Code. Noong Marso 5, 2020, sinentensiyahan ng isang district court sa Crimea si Mr. Filatov ng anim-na-taóng pagkabilanggo sa isang general regime prison colony. Pagkatapos ng sentensiya, ikinulong siya agad.
Pagkatapos ng raid sa Dzhankoy noong 2018, patuloy na hinahalughog ng mga opisyal ng special forces ang mga bahay ng mga Saksi na inaakusahang gumagawa ng ekstremistang mga gawain. Nangyari ang pinakahuling raid noong Agosto 7, 2024. Hinalughog ng ilang armado at nakamaskarang pulis ang bahay ng limang Saksi. Kasama dito ang bahay ng 68-taóng-gulang na si Tamara Brattseva na nakatira sa nayon ng Razdolnoye. Kasalukuyang nililitis si Tamara Brattseva sa kasong pag-oorganisa ng mga gawain ng isang ekstremistang organisasyon. Noong Oktubre 2024, ang dalawang brother na sina Yuriy Gerashchenko at Sergey Parfenovich ay sinentensiyahan ng anim-na-taóng pagkakakulong sa isang penal colony. Pareho silang nasa ilalim ng probation noon. Pero gusto ng prosecutor na bigyan sila ng mas mabigat na sentensiya, at pinayagan naman ito ng korte. Kaagad silang inaresto at dinala sila sa bilangguan.
Pagkatapos ng mga raid na ito, may mga sinampahan ng kaso at hinatulan. Sa ngayon, 14 na brother ang nakakulong at may mga sentensiyang hanggang anim at kalahating taon. Silang lahat ay inakusahan na nagtataguyod ng mga gawain ng isang ekstremistang organisasyon.
Time Line
Pebrero 17, 2025
Labing-apat na Saksi ni Jehova mula sa Crimea ang nakakulong ngayon.
Oktubre 3, 2023
Sinentensiyahan nang anim-na-taóng pagkakabilanggo sa penal colony sina Yuriy Gerashchenko at Sergey Parfenovich.
Agosto 7, 2024
Hinalughog ng mga pulis ang limang bahay ng mga Saksi sa Alushta, Razdolnoye, at Senokosnoye. Sinampahan ng kasong kriminal si Tamara Brattseva.
Agosto 5, 2021
Hinalughog ang walong bahay ng mga Saksi. Inaresto sina Aleksandr Dubovenko at Aleksandr Litvinyuk.
Oktubre 1, 2020
Siyam na bahay ang ni-raid sa Sevastopol. Si Igor Shmidt ay inaresto at kinulong bago litisin.
Hunyo 4, 2019
Ni-raid ng mga opisyal ng special force ang 10 bahay sa Sevastopol. Pagkatapos, kinasuhan si Mr. Stashevskiy ng pag-oorganisa ng mga ekstremistang gawain.
Marso 20, 2019
Ni-raid ng mga opisyal ng special force ang walong bahay sa Alupka at Yalta. Isinailalim si Mr. Gerasimov sa interogasyon at, nang maglaon, kinasuhan siya dahil sa pag-oorganisa ng ekstremistang mga gawain.
Nobyembre 15, 2018
Ni-raid ng mahigit 200 pulis ang walong bahay sa Dzhankoy, pati na ang bahay ni Mr. Filatov.