Tagalog
Unang Update sa Konstruksiyon sa Ramapo
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/702025072/univ/art/702025072_univ_sqr_xl.jpg

HULYO 15, 2025
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Habang nagpapatuloy ang trabaho, unti-unti nang nabubuo ang Ramapo site. Ang isang retention pond (gitnang kaliwa) ay pumipigil sa pagbaha at tinitiyak na malinis na tubig lang ang dumadaloy palabas ng construction site

Proyekto ng Headquarters sa Ramapo

Unang Update sa Konstruksiyon sa Ramapo

Nagsimula Na ang mga Gawain sa Site

Unang Update sa Konstruksiyon sa Ramapo

Nang aprobahan ng mga opisyal ang huling bersiyon ng site plan para sa proyekto ng konstruksiyon sa Ramapo noong Nobyembre 2024, sinimulan na ang malalaking gawain sa paghahanda ng site. Inaasahang tatagal ang gawaing ito ng humigit-kumulang 18 buwan.

Sa ngayon, nakapaghukay na ng hindi bababa sa 133,800 cubic meter ng lupa at bato. Katumbas ito ng halos 54 na Olympic-size na swimming pool. Ang mga lupa at batong ito ay gagamitin para patagin ang ibang bahagi ng site. Bukod dito, marami na rin ang nagawa sa paglalagay ng mga underground na kable ng kuryente, tubo ng tubig, at iba pang mga utility sa site.

Kaliwa: Si Tracy Pannell at ang kaniyang asawang si Victoria. Kanan: Si Victoria katabi ng dump truck na minamaneho niya

Maraming kapatid na may karanasan sa konstruksiyon ang nagboluntaryo para tumulong sa proyekto. Kasama sa kanila ang mag-asawang Tracy at Victoria Pannell, na mula sa Oklahoma, U.S.A. Tumutulong si Tracy sa paghuhukay. Nakatanggap naman ng training si Victoria para ligtas na mapatakbo ang isang malaking off-road na dump truck. Sinabi niya: “Hinding-hindi ko naisip na makakapagmaneho ako ng ganito kalaking truck. Pinatunayan nito sa akin na kaya tayong tulungan ni Jehova na magawa ang anumang bagay kung magiging handa tayong magpagamit sa kaniya at aasa sa tulong niya.”

Si Carl Knight at ang kaniyang asawang si Zaid

Isa pang mag-asawa na tumutulong sa proyekto ay sina Carl at Zaid Knight. Nagboluntaryo na rin sila noon sa pagtatayo ng mga pasilidad ng sangay sa Britain. Nagtatrabaho si Carl sa mga gawain sa site. Nag-o-operate naman si Zaid ng bulldozer at iba pang equipment. Natutuwa silang makasama ang mga kabataan na nagboluntaryo para sa proyekto. Sinabi ni Zaid tungkol sa mga magulang ng mga kabataang ito: “Ang saya siguro ng mga magulang ng mga kabataang iyon, kasi puwede rin nilang sabihin y’ong sinabi ni Hana, ‘Ibinigay ko ang anak ko kay Jehova.’” (1 Samuel 1:28) Nakakatuwa, may mahigit 150 kapatid na nasa pagitan ng mga edad na 18 at 25 ang kasalukuyang sumusuporta sa pagtatayo sa Ramapo.

Habang mabilis na umuusad ang gawain, ipinapanalangin natin na patuloy na pagpapalain ni Jehova ang lahat ng nagboluntaryo para tumulong sa kapana-panabik na proyektong ito.​—Awit 110:3.