AGOSTO 1, 2025
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Si Brother Nathan H. Knorr na naglalabas ng unang edisyon ng Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan noong Agosto 2, 1950
Unang Inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan 75 Taon Na ang Nakalipas
Available Ngayon sa Mahigit 320 Wika
Noong Agosto 2, 1950, inilabas ang unang edisyon ng Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Inilabas ni Brother Nathan H. Knorr ang bagong salin na ito sa harap ng 82,075 katao sa Theocracy’s Increase Assembly ng mga Saksi ni Jehova sa Yankee Stadium sa New York City.
Ang 1950 edisyon ng Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan
Bago ang makasaysayang paglalathalang iyon, gumagamit ang mga kapatid natin ng iba’t ibang salin ng Bibliya. Halimbawa, maraming Saksi noon na nagsasalita ng Ingles ang pangunahin nang umaasa sa 1901 na edisyon ng American Standard Version pati na rin sa King James Version, na unang inilathala noong 1611. Dahil sa makaluma at lipas na wika ng mga saling ito, mahirap maintindihan ang Salita ng Diyos. Dahil dito, sinabi ni Brother Knorr: “Kailangang-kailangan na talaga ng isang salin sa makabagong wika, isang salin na madaling mauunawaan ng mga tao, para maintindihan nila ang mga talata sa Bibliya at malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos.”
Ipinapakita ng mga dumalo sa Theocracy’s Increase Assembly ang inilabas na Bibliya noong Agosto 1950
Noong Disyembre 1947, sinimulan ng New World Bible Translation Committee a ang paggawa ng isang malinaw at walang kinikilingang salin ng Banal na Kasulatan. Sa pagsasagawa ng mahalagang gawaing ito, ginamit ng komite sa pagsasalin ang pinakamatatanda at pinakamaaasahang manuskrito na mayroon noon. Higit sa lahat, ibinalik ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang pangalan ni Jehova sa 237 puwesto nito. Pagkatapos mailabas ang Kristiyanong Griegong Kasulatan noong 1950, ipinagpatuloy ang gawain para ihanda ang salin ng Hebreong Kasulatan, na unti-unting inilabas sa limang tomo. Sa wakas, noong 1961, inilabas ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Sa mga sumunod na dekada, ilang nirebisang edisyon din ang inilathala. Ang pinakabagong rebisyon ay inilabas noong 2013.
Habang inaalala ang paglalathala ng Kristiyanong Griegong Kasulatan noong 1950, sinabi ni Brother Geoffrey Jackson, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala: “Walang duda na napakahirap ng pagsasalin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Pero kitang-kita na pinagpala ni Jehova ang pagsisikap ng mahal nating mga kapatid! Nakakatulong sa mga tagapagsalin ngayon sa buong mundo ang mga ginawa nila 75 taon na ang nakakalipas. Available na ngayon ang buo o ilang bahagi ng Bagong Sanlibutang Salin sa mahigit 320 wika. Dahil dito, literal na bilyon-bilyong tao ang makikinabang sa isang tumpak at madaling maunawaang salin ng Banal na Kasulatan at mas mapalapít pa sa may akda nito, ang Diyos na Jehova.”—1 Timoteo 2:3, 4.
Mula kaliwa pakanan: Isang Saksi na nagda-download ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Romany (Southern Greece), mga kapatid na tinitingnan ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Kinyarwanda, at isang sister na masayang ipinapakita ang Bibliya sa Australian Sign Language
Nagpapasalamat tayo sa ginawa ng mga tapat na kapatid mga 75 taon na ang nakakalipas pati na sa patuloy na pagsisikap ngayon na isalin ang Salita ng Diyos sa iba’t ibang wika. Higit sa lahat, nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil ibinigay niya sa lahat ng tao ang kaniyang Salita ng katotohanan!—2 Timoteo 3:16, 17.
a Ang New World Bible Translation Committee ay binubuo ng mga Kristiyanong pinahiran na mapagpakumbabang nagpahayag ng kanilang hangaring manatiling hindi kilala para mapunta ang papuri sa may akda ng Bibliya, ang Diyos na Jehova.

