NOBYEMBRE 6, 2025
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Sinalanta ng Bagyong Melissa ang maraming isla sa Caribbean noong Oktubre 2025. Maliit na larawan: Isang satellite image ng malakas na bagyong ito bago tumama sa Jamaica
Sinalanta ng Bagyong Melissa ang Maraming Isla sa Caribbean
Noong Oktubre 21, 2025, nabuo ang Bagyong Melissa sa central Caribbean Sea. Napakabilis ng paglakas ng bagyong ito. Sa sumunod na mga araw, nagdulot ng malaking pinsala ang Bagyong Melissa sa maraming isla sa Caribbean.
Jamaica: Noong Oktubre 28, tumama ang Bagyong Melissa sa Jamaica. May dala itong hangin na 297 kilometro kada oras ang bilis. Ito ang unang pagkakataon na direktang tinamaan ang Jamaica ng ganito kalakas na bagyo. May panahong di-bababa sa 75 porsiyento ng isla ang walang kuryente. Nagdulot din ito ng pagbaha at mga landslide kaya mga 125,000 residente ang napilitang lumikas.
Cuba: Noong Oktubre 29, humina na nang kaunti ang bagyo at tumama sa silangang baybayin ng Cuba. May dala itong hangin na 195 kilometro kada oras ang bilis, at dahil sa bagyo, bumaha sa ilang bahagi ng isla. Umabot sa 38 sentimetro ang tubig-ulan. Dahil sa lakas ng hangin at ulan, maraming bahay at kalsada ang nasira nang husto. Napilitan ang mahigit 700,000 tao na lumikas.
Dominican Republic at Haiti: Mula noong Oktubre 29, naranasan din ng mga nakatira sa Dominican Republic ang epekto ng Bagyong Melissa. Ayon sa report, nagkaroon ng mga landslide sa ilang bahagi ng bansa dahil sa mga umapaw na ilog. Sa Haiti naman, sinabi ng mga opisyal na mahigit 16,000 katao ang napilitang lumikas papunta sa mas ligtas na lugar dahil sa matinding pagbaha sa timog at kanlurang bahagi ng bansa.
Pagkatapos, lalong humina ang Bagyong Melissa. Papuntang hilaga ang direksiyon nito at umabot ng Bahamas at Turks and Caicos. Dahil dito, nagkaroon ng mga pagbaha at nawalan ng kuryente sa ibang lugar. Pagkatapos, nakarating ito sa Bermuda. Sa buong Caribbean, daang-libo ang lumikas. Libo-libo rin ang nasaktan, at ayon sa ulat, di-bababa sa 80 ang namatay.
Epekto sa mga Kapatid
Mula kaliwa pakanan: Bahay ng isang Saksi sa Santiago de Cuba, Cuba, na nasira nang husto; Brother na tumutulong sa paglilinis ng bahay ng isang pamilyang Saksi pagkatapos mag-mudslide sa Petit Goave, Haiti; Kingdom Hall na nawasak dahil sa Bagyong Melissa sa Bluefields, JamaicaL
Bahamas, Bermuda, at Turks and Caicos
Walang kapatid na namatay o nasaktan
3 bahay ang bahagyang nasira
Walang Kingdom Hall na nawasak o nasira
Cuba
Walang kapatid na namatay
4 na mamamahayag ang nasaktan
439 na mamamahayag ang lumikas
32 bahay ang nawasak
194 na bahay ang nasira nang husto
351 bahay ang bahagyang nasira
2 Assembly Hall ang nasira nang husto
2 Assembly Hall ang bahagyang nasira
3 Kingdom Hall ang nawasak
7 Kingdom Hall ang nasira nang husto
13 Kingdom Hall ang bahagyang nasira
Dominican Republic
Walang kapatid na namatay o nasaktan
1 mamamahayag ang lumikas
1 bahay ang bahagyang nasira
Walang Kingdom Hall na nawasak o nasira
Haiti
Walang kapatid na namatay o nasaktan
18 mamamahayag ang lumikas
1 bahay ang nasira nang husto
7 bahay ang bahagyang nasira
Walang Kingdom Hall na nawasak o nasira
Jamaica
Walang kapatid na namatay
10 mamamahayag ang nasaktan
221 mamamahayag ang lumikas
47 bahay ang nawasak
262 bahay ang nasira nang husto
346 na bahay ang bahagyang nasira
1 Assembly Hall ang nasira nang husto
1 Kingdom Hall ang nawasak
7 Kingdom Hall ang nasira nang husto
13 Kingdom Hall ang bahagyang nasira
Relief Work
Pinatibay ng mga tagapangasiwa ng sirkito at lokal na mga elder ang mga kapatid na naapektuhan ng bagyo, at nagbigay din sila ng praktikal na tulong
4 na Disaster Relief Committee ang inorganisa para sa relief work
Nalulungkot tayo sa naging epekto ng napakalakas na bagyong ito—maraming nasira at namatay. Ipinapanalangin natin na patuloy na bigyan ni Jehova ng kapanatagan at karunungan ang mga biktima ng Bagyong Melissa, at nagtitiwala tayong malapit na niyang bigyan ng ‘mapayapang tahanan at tahimik na mga pahingahan’ ang lahat ng tapat sa kaniya.—Isaias 32:18.

