Tagalog
Patuloy na Nilalabag ng Russia ang Kalayaan sa Pagsamba ng mga Saksi sa Kabila ng Desisyon ng ECHR Noong 2010
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/702025079/univ/art/702025079_univ_sqr_xl.jpg

HUNYO 9, 2025
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Ilan sa tapat nating mga kapatid na nagtiis ng pag-uusig sa Crimea at Russia sa nakalipas na 15 taon

Patuloy na Nilalabag ng Russia ang Kalayaan sa Pagsamba ng mga Saksi sa Kabila ng Desisyon ng ECHR Noong 2010

Patuloy na Nilalabag ng Russia ang Kalayaan sa Pagsamba ng mga Saksi sa Kabila ng Desisyon ng ECHR Noong 2010

Labinlimang taon na ang nakalipas, noong Hunyo 10, 2010, ipinatalastas ng European Court of Human Rights (ECHR) ang napakahalagang desisyon tungkol sa kalayaan sa pagsamba sa Russia. Nalaman ng ECHR na ang mga awtoridad sa Russia ay “hindi naging tapat at patas” nang buwagin nito ang Local Religious Organization (LRO) ng mga Saksi ni Jehova sa Moscow noong 2004. Kaya sumulat ang ECHR na nilabag ng mga awtoridad ng Russia ang karapatan ng mga Saksi ni Jehova na malayang isagawa ang kanilang pananampalataya. Dahil dito, iniutos ng ECHR sa gobyerno ng Russia na legal na kilalaning muli ang mga Saksi ni Jehova sa bansa at magbayad nang libo-libong dolyar bilang danyos sa pinsalang idinulot nila.

Sa sumunod na 15 taon, hindi sinunod ng gobyerno ng Russia ang desisyong ng Korte at lalo pang pinatindi ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova. Patuloy na sinasabi ng mga awtoridad na “ekstremista” ang ating mga paniniwala. Dahil sa di-makatarungang pag-uusig na ito, maraming lalaki at babae ang ikinulong, ang ilan, hanggang walong taon, dahil lang sa pagbabasa ng Bibliya o pakikipag-usap sa iba tungkol sa Bibliya. Habang nakakulong, ang ilan ay dumanas ng pang-aabuso, malupit na pagtrato, at torture. Ang ilan sa mga ikinulong ay may-edad na o may malubhang sakit. Sa kasalukuyan, 173 Saksi ni Jehova sa Crimea at Russia ang nakakulong dahil sa kanilang pananampalataya.

Kahit na opisyal na kumalas ang Russia sa Council of Europe noong Marso 2022, nasa ilalim pa rin ito ng awtoridad ng ECHR hanggang noong Setyembre 15, 2022, at obligado itong sumunod sa lahat ng desisyon ng ECHR bago ang petsang iyon. Kasama rito ang desisyon ng Korte noong Hunyo 2022 na ilegal at mali ang ginawa ng Russia noong 2017 na ipagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Kaya dapat kilalanin ng Russia ang ating kalayaan sa pagsamba, muling irehistro ang ating relihiyosong organisasyon, at alisin ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova.

Habang patuloy tayong nananalangin para sa ating mga kapatid sa Crimea at Russia, hinihintay natin ang panahon kapag inilapat na ni Jehova ang tunay na katarungan sa buong lupa.​—Isaias 51:4.