Tagalog
Nakatulong ang mga Simplified Assembly Hall sa Libo-Libo sa Africa na Makinabang sa Turo ng Bibliya
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/702024214/univ/art/702024214_univ_sqr_xl.jpg

Simplified Assembly Hall sa Namayingo, Uganda. Nasa property rin ang isang Kingdom Hall (kanan sa ibaba).

DISYEMBRE 6, 2024
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Nakatulong ang mga Simplified Assembly Hall sa Libo-Libo sa Africa na Makinabang sa Turo ng Bibliya

Nakatulong ang mga Simplified Assembly Hall sa Libo-Libo sa Africa na Makinabang sa Turo ng Bibliya

Mga kapatid na nakikinig mabuti sa programa sa isang simplified Assembly Hall sa Mbarara, Uganda

Noong Oktubre 12, 2024, tatlong bagong Assembly Hall ang inialay ng mga Saksi ni Jehova sa Uganda. Itinayo ang mga ito sa loob ng mga refugee camp sa iba’t ibang lugar sa bansa. Naitayo ang mga Assembly Hall na ito sa ilalim ng programang Simplified Assembly Hall na nagsimula noong 2018. Layunin ng programang ito na makapagtayo ng simpleng mga Assembly Hall sa liblib na mga lugar nang mabilis at sa murang halaga. (2 Corinto 8:13-15) Libo-libo sa mga kapatid natin sa iba’t ibang lugar sa Africa ang nakinabang sa kaayusang ito. Sa pagtatapos ng 2024, aabot sa halos 100 simplified Assembly Hall ang nagawa na, at 30 pa ang pinaplanong itayo sa 2025.

Ang mga disenyo ng simplified Assembly Hall ay ibinabagay sa lugar kung saan ito itatayo at sa pangangailangan ng mga kapatid. Halimbawa, sa ilang lugar, mayroong isang weatherproof tent para sa 650 tao. Sa ibang lugar naman, naglagay ng ilang tent para magkasya ang mga 2,000 tao. Protektado ang mga dumadalo sa mga Assembly Hall na ito mula sa ulan at init ng araw. Mayroon din ditong audio at video equipment, pool para sa bautismo, at entablado. Sinabi ng isang brother mula sa Uganda: “Sa labas lang kami dati nagtitipon, kaya kapag umulan, basâ kami. Kung minsan, napakalakas ng ulan kaya naghahanap kami ng masisilungan. Hindi tuloy namin napapakinggan ang ilang bahagi ng programa. Pero ngayon, nakakapagpokus na kami sa programa at lubusang nakikinabang mula rito. Nagpapasalamat kami kay Jehova sa ibinigay niyang napakagandang Assembly Hall!”

Nagbibigay ng proteksiyon ang mga simplified Assembly Hall, na gaya ng nasa Natitingou, Benin, mula sa init ng araw at ulan. Mayroon din itong komportableng upuan, mga audio at video equipment, at isang pool para sa bautismo

Ito naman ang sabi ng isang brother mula sa Angola tungkol sa iba pang pakinabang ng programang Simplified Assembly Hall: “Dati, ilang araw kaming naghahanda para makapagtayo ng pansamantalang mapagdarausan ng asamblea o kombensiyon. Madalas, pagod na pagod na kami bago pa magsimula ang programa kaya hindi kami gaanong nakikinabang. Pero ngayon, nakakapagpokus na kami ng pamilya ko sa programa at mas nae-enjoy na namin ang pakikipagsamahan sa mga kapatid.”

Kailangan pa ng mas maraming Assembly Hall sa maraming bansa. Sa Africa pa lang, mahigit 100 na ang kailangan. Kailangan din ng ganitong mga Assembly Hall sa ilang lugar sa Central at South America. Kaya mahalagang bahagi ng programang Simplified Assembly Hall ang pagsasanay sa mas marami pang boluntaryong lokal na mga kapatid. Sinabi ni Brother Ben Pritchard, miyembro ng Komite ng Sangay sa West Africa: “Karamihan sa mga kapatid natin hindi naman konstruksiyon ang sekular na trabaho. Pero handa sila at gusto nilang matuto ng mga kasanayan na kailangan para sa pagpaplano at pagtatayo ng napakahalagang mga pasilidad na ito. Gaya ng sinasabi sa Filipos 4:13, pinalalakas sila ni Jehova para matapos ang gawaing ito.”

Mga kapatid na sinasanay at mga kapatid na tumutulong sa pagtatayo ng tent para sa isang simplified Assembly Hall sa Aného, Togo

Masaya tayong makita na sa ilalim ng programang ito, maraming Assembly Hall ang naitatayo. Alam natin na mas marami pang Assembly Hall ang kakailanganin. Pero nagtitiwala tayo na patuloy na ‘palalakasin’ ni Jehova ang mga kapatid natin na sumusuporta rito.—Filipos 2:13.