AGOSTO 20, 2025
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Dalawang kapatid na nangangaral sa isang probinsiya sa Lesotho sa panahon ng kampanya
Nagkaroon ng Magagandang Resulta ang Kampanya ng Pangangaral sa Timog ng Africa
Halos 7,000 ang Humiling ng Pag-aaral sa Bibliya
Mula Abril 21 hanggang Mayo 26, 2025, mahigit 8,500 Saksi ni Jehova mula sa South Africa ang nakibahagi sa isang kampanya ng pangangaral sa apat na kalapit na bansa: Botswana, Eswatini, Lesotho, at Namibia. Nakakatuwa, sa loob ng limang-linggong kampanya, nakatanggap ang mga kapatid natin ng halos 7,000 request ng pag-aaral sa Bibliya.
Sa Eswatini, naglakbay ang mga kapatid sa isang paakyat at mabundok na daan para mapuntahan ang isang maliit na bayan. Pagkarating nila doon, may nakitang batang lalaki ang dalawa nating sister na agad na tumakbo para sabihin sa nanay niya na may mga Saksi ni Jehova. Nang makita ng nanay ang mga kapatid, napaiyak siya. Dati siyang nag-aral ng Bibliya at nakadalo na sa mga pulong natin, pero nawalan siya ng kontak sa mga Saksi noong lumipat siya. Masaya niyang tinanggap ang alok ng mga kapatid na muling simulan ang pag-aaral niya sa Bibliya at dumalo sa pulong sa darating na weekend.
Kaliwa: Mga kapatid na tumatawid sa tulay habang nangangaral sa Eswatini. Kanan: Isang sister mula sa South Africa na ginagamit ang Bibliya habang nangangaral sa Namibia
Dalawang sister na nakikibahagi sa kampanya sa Lesotho ang bumalik sa isang bahay na nadaanan na nila pero walang tao. Pero sa pagkakataong ito, may nakausap na silang babae. Nang malaman ng babae na mga Saksi ni Jehova sila, ikinuwento niya na may kaklase siya noon na Saksi at hanggang ngayon, naaalala pa rin niya ang nakakapagpatibay na usapan nila maraming taon na nakakaraan. Pero mula noon, hindi na siya nakakausap ng mga Saksi. Nang alukin siya ng mga kapatid ng pag-aaral sa Bibliya, tinanggap niya ito.
Mga kapatid mula sa South Africa na may hawak na welcome sign sa labas ng Kingdom Hall sa Botswana
Napapatibay tayo sa sigasig at pagsasakripisyo ng mga kapatid natin na sumuporta sa kampanya. Napakasayang makita ang pagpapala ni Jehova sa pagsisikap nilang hanapin ang “nakaayon sa buhay na walang hanggan.”—Gawa 13:48.

