Tagalog
Masayang Ipinagdiwang ang 2023 Memoryal ng Kamatayan ni Kristo Kahit May mga Problema
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/702023123/univ/art/702023123_univ_sqr_xl.jpg

Memoryal sa isang inupahang pasilidad sa Rozdil, Ukraine

ABRIL 19, 2023
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Masayang Ipinagdiwang ang 2023 Memoryal ng Kamatayan ni Kristo Kahit May mga Problema

Masayang Ipinagdiwang ang 2023 Memoryal ng Kamatayan ni Kristo Kahit May mga Problema

Inalala ng milyon-milyong Saksi ni Jehova, kasama ng mga bisita nila, ang Hapunan ng Panginoon noong Martes, Abril 4, 2023. Nakadalo pa rin sa espesyal na okasyong ito ang marami kahit may mga problema.

Ukraine

Halimbawa, sa Ukraine, libo-libo ang nakadalo sa Memoryal kahit may masamang panahon at digmaan sa ilang lugar. Dahil hindi ligtas sa isang bayan sa silangang Ukraine, ibinigay na ng mga elder sa mga kapatid sa kongregasyon ang rekording ng pahayag sa Memoryal isang linggo bago ang okasyong ito. Makalipas ang ilang araw, nawalan ng Internet at kuryente sa lugar na iyon dahil sa malakas na bagyo—hindi dahil sa digmaan. Pero nakinabang ang lahat sa kongregasyon, kahit walang kuryente at may digmaan, dahil nakuha na nila ang nakarekord na pahayag sa Memoryal.

Kazakhstan

Sinasalansang ng pamilya ang 15-taóng-gulang na si Violetta mula sa Kazakhstan. Nakikitira siya sa lolo niya. At sa loob ng mga 20 taon, talagang salansang ito. Pinipigilan ng lolo niya ang pamilya na dumalo sa mga pulong at sinisira pa nga ang mga literatura nila. Pero dahil mahal nito ang apo niya, unti-unti itong nakikipag-usap sa kaniya tungkol sa mga paniniwala niya. Nagulat si Violetta nang magpa-Bible study ang lolo niya at dumalo sa Memoryal!

Itaas: Suai, Timor-Leste. Ibaba: Same, Timor-Leste

Para sa iba, mahirap dumalo sa Memoryal dahil malayo ang lugar nila. Sa Timor-Leste, sa telepono bina-Bible study ng mga kapatid ang 55 taong nakatira sa mga lunsod ng Same at Suai. Sakay ng motorsiklo, mga ilang oras din ang layo ng mga lunsod na ito sa pinakamalapit na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Kaya isinaayos ng mga kapatid na ipagdiwang ang Memoryal sa dalawang lunsod na iyon sa pribadong mga bahay. Isang elder ang naglakbay nang apat na oras para ibigay ang pahayag sa Memoryal sa Same, na 56 ang dumalo. Pitong oras naman ang nilakbay ng isa pang elder papuntang Suai, kung saan mahigit 50 ang dumalo sa Memoryal.

Hualpén, Chile

Problema naman ng mga kapatid natin sa Hualpén, Chile, ang paghahanap ng lugar para sa Memoryal. Humingi sila ng tulong sa isang lokal na opisyal para makahanap ng magandang lugar para sa Memoryal. Natuwa ang mga elder nang sabihin sa kanila ng opisyal na puwede nilang gamitin ang isang school cafeteria. Nalaman ito ng mga kapatid mga ilang oras bago magsimula ang Memoryal. Agad na kumilos ang mga kapatid. Pinaganda at inayos nila ang cafeteria para sa Memoryal. Dumalo sa Memoryal ang opisyal at ang mayor. Sinabi ng mayor: “Pinupuri ko ang mga dumalo dahil maayos sila at magalang—pati ang mga bata. Makakatiyak kayo na susuportahan namin kayo.”

Monaco

Natutuwa rin tayong marinig na noong Nobyembre 2022, legal nang kinilala sa Monaco ang mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyon. Pagkatapos ipagdiwang ang Memoryal sa isang magandang inupahang pasilidad, sinabi ng isang bisita: “Maganda ang silid na ito, pero ang mas nagpaganda ay ang mga taong naririto.”

Talagang nakakapagpatibay malaman na nakayanan ng mga kapatid ang mga sitwasyong ito at ang iba pang problema para masunod ang utos ni Kristo na magsama-sama “bilang pag-alaala” sa kamatayan niya!—Lucas 22:19.