Tagalog
Magagandang Resulta ng Pandaigdig na Kampanya ng Pagpapasimula ng Pag-aaral sa Bibliya Noong Setyembre 2024
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/702024230/univ/art/702024230_univ_sqr_xl.jpg

Mga brother sa New Zealand (kaliwa) at mga sister sa Peru (kanan) na nakikibahagi sa pandaigdig na kampanya na pagpapasimula ng pag-aaral sa Bibliya noong Setyembre 2024

NOBYEMBRE 22, 2024
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Magagandang Resulta ng Pandaigdig na Kampanya ng Pagpapasimula ng Pag-aaral sa Bibliya Noong Setyembre 2024

Magagandang Resulta ng Pandaigdig na Kampanya ng Pagpapasimula ng Pag-aaral sa Bibliya Noong Setyembre 2024

Noong Setyembre 2024, nakibahagi ang mga Saksi ni Jehova sa 240 bansa sa isang espesyal na kampanya ng pagpapasimula ng pag-aaral sa Bibliya. Sinamantala ng mga kapatid ang bawat pagkakataon para maipakita sa mga tao ang ginagawa nating pag-aaral sa Bibliya gamit ang publikasyong Masayang Buhay Magpakailanman. Ito ang ilang nakakapagpatibay na karanasan sa espesyal na buwang iyon.

Chile

Habang nakasakay sa bus ang isang 30-taóng-gulang na babae sa Chile, napansin niya ang isa sa mga cart natin ng literatura. Mula sa bintana ng bus, ginamit niya ang smartphone niya para ma-scan ang QR code na nakita niya sa cart tungkol sa libreng pag-aaral sa Bibliya. Kaya nakapunta siya sa jw.org. Pagkatapos mabasa ang isang artikulo sa ating website na may pamagat na “Kanino Ka Makakapagtiwala?—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?” humiling ang babae na madalaw siya ng mga Saksi. Natanggap agad ng isang mag-asawa ang request niya, at pinuntahan nila siya sa bahay. Sinabi niya sa mag-asawa na nananalangin talaga siya sa Diyos para tulungan siyang malaman kung paano niya sasambahin ang Diyos sa tamang paraan. Inalok nila siya ng pag-aaral sa Bibliya, at gusto niya na masimulan agad ang pag-aaral. Sa kanilang pag-aaral, sinabi ng babae na gustong-gusto niya ang mga video na pinapanood sa pag-aaral. Natapos na niya ang ikatlong aralin sa Masayang Buhay Magpakailanman, at tuloy-tuloy pa rin siya ngayon sa pag-aaral ng Bibliya.

Senegal

Narinig ng isang babae sa Senegal ang dalawa nating sister na kausap ang isang lalaki sa labas ng bintana ng apartment niya. Gusto ng babae na makaalam nang higit pa, kaya agad siyang lumabas para makausap ang mga sister bago sila umalis. Habang pinag-uusapan nila ang tungkol sa kawalang-katarungan, binasa ng mga sister sa babae ang Isaias 32:16, 17 at ipinakita ang mga pangako ng Bibliya sa hinaharap sa aralin 2 ng Masayang Buhay Magpakailanman. Naiyak ang babae nang sabihin niya sa kanila ang mga problema niya sa buhay. Pagkatapos aliwin ang babae, binasa nila sa kaniya ang 1 Pedro 5:7. Inalok siya ng mga sister ng pag-aaral sa Bibliya na agad naman niyang tinanggap.

Taiwan

Habang nagbabahay-bahay sa Taiwan, kinausap ng isang brother ang isang kabataang lalaki na nag-aalala tungkol sa kaniyang kinabukasan. Binasa ng brother ang Isaias 65:21, 22 at tinanong ang kabataang lalaki kung gusto ba niyang mabuhay sa isang daigdig kung saan ang lahat ay masaya sa kanilang trabaho. Pagkatapos, ginamit niya ang number 4 sa aralin 2 ng brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman para ipakita ang magandang pangako ng Bibliya sa hinaharap at nagsimula silang mag-Bible study. Nagustuhan ng kabataang lalaki ang kanilang pag-uusap at pumayag na ituloy ang pag-aaral nila sa Bibliya. Makalipas ang ilang linggo, sinabi ng tatay ng binata na interesado siya sa natututuhan ng anak niya at sumali na rin siya sa pag-aaral. Ngayon, regular nang nag-aaral ng Bibliya ang tatay at ang anak.

Ukraine

Habang nangangaral sa bahay-bahay sa isang maliit na nayon sa Ukraine, binasa ng mga brother sa isang lalaki ang Daniel 2:44 at sinabi na ang Kaharian ng Diyos lang ang gobyerno na talagang makalulutas sa mga problema ng tao. Tuwang-tuwang sinabi ng lalaki sa mga Saksi na nagbabasa siya ng Bibliya at marami siyang katanungan tungkol sa Bibliya. Sinabi niya na matagal na niyang hinihintay na may dumalaw sa kaniyang mga Saksi at hinanap pa nga niya ang Kingdom Hall na malapit sa bahay niya. Sinabi ng mga brother na makakatulong sa kaniya ang pag-aaral ng Bibliya para masagot ang mga katanungan niya. Ipinakita rin nila kung paano mag-aral ng Bibliya. Masayang tinanggap ng lalaki ang pag-aaral ng Bibliya at regular na siya ngayong nagba-Bible study.

Masaya tayong marinig ang magagandang report mula sa pandaigdig na kampanyang ito! Nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil pinagpala niya ang pagsisikap ng ating mga kapatid sa buong daigdig para tulungan ang mga tapat-puso na matuto pa nang higit tungkol sa kaniya at sa kaniyang Salita.—1 Tesalonica 2:13.

Nasa ibaba ang mga larawan ng ating mga kapatid mula sa iba’t ibang bansa na masayang nakikibahagi sa espesyal na kampanya ng pangangaral noong Setyembre 2024.

 

Bulgaria

Chile

Greece

Iceland

Pilipinas

Rwanda

United States

Zimbabwe