HULYO 23, 2025
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Kaliwa: Pampublikong pagpapatotoo sa Rijeka, Croatia. Kanan (mula itaas pababa): Mga makasaysayang larawan ng mga kapatid sa dating Yugoslavia na nagtipon para sa pagsamba sa loob ng mga dekada
Isang Siglo ng Pag-ibig at Pagkakaisa sa Dating Yugoslavia
Taóng 2025 ang ika-100 taon ng pagsisimula ng gawain ng mga Saksi ni Jehova sa rehiyon ng dating Yugoslavia. Mula sa maliit na pasimula noong 1925, lumaganap ang mabuting balita sa kabila ng digmaan, pagbabago sa politika, at pagsalansang. Pinapangasiwaan na ngayon ng mga sangay sa mga lunsod ng Belgrade, Ljubljana, Skopje, at Zagreb ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa kasalukuyang Bosnia and Herzegovina, Croatia, Montenegro, North Macedonia, Serbia, at Slovenia.
Si Brother Franz Brand
Natutuhan ni Brother Franz Brand ang katotohanan habang naninirahan sa Austria at nabautismuhan siya noong 1925. Nang sumunod na taon, bumalik siya sa lugar na kilala sa ngayon na Serbia. Nangaral siya doon at nag-organisa ng regular na pag-aaral ng Bibliya bilang isang grupo. Pagkatapos, lumipat siya sa Maribor (Slovenia ngayon) at nagpatuloy sa pagbabahagi ng mabuting balita. Noong 1927, ibinigay ang unang pampublikong pahayag sa Maribor, at noong 1930, naganap ang unang mga bautismo, at may 20 nabautismuhan. Nang legal na tayong mairehistro noong Setyembre 9, 1930, mas malaya nang nakapangaral at nakapagpulong ang mga kapatid.
Nagbago ang kalagayan sa mga sumunod na dekada. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, matinding pinag-usig ng mga Nazi ang mga Saksi. Mayroong 100 aktibong mamamahayag sa lugar na kilala sa ngayon na Slovenia, at halos kalahati sa mga kapatid natin dito ang inaresto at hindi na muling nakita. Pagkatapos ng digmaan, isang malupit at komunistang gobyerno ang pumalit. Kaya kinailangang gawin nang patago ang mga pagpupulong at pangangaral. At dahil sa paninindigan ng mga Saksi na maging neutral, marami ang ipinabilanggo. Pero sa kabila ng mga hamong ito, nagpatuloy ang mga kapatid natin sa pagsuporta sa isa’t isa at pagsamba kay Jehova, na nagresulta sa tuloy-tuloy na pagdami ng mga mamamahayag sa buong Yugoslavia.
Nang bumagsak ang gobyernong ito noong unang bahagi ng 1990’s, unti-unting nahati ang Yugoslavia sa anim na magkakahiwalay na bansa. Pero maraming iba’t ibang kultura at relihiyon sa lugar na iyon, at nagdulot ito ng mas matinding karahasan at digmaan. Para sa mga Saksi ni Jehova, naging pagkakataon ito para patunayan ang katapatan nila sa Kaharian ng Diyos at maipakita ang kanilang pagmamahalan bilang magkakapatid. Habang ang mga tao ay nababahagi at hindi nagkakaisa, idinaos ng mga Saksi ni Jehova ang isang internasyonal na kombensiyon na ginanap sa Zagreb (Croatia ngayon) noong 1991. “Kahit na nagkakagulo ang mga tao sa paligid namin, pinatunayan ng kombensiyong ito na nagkakaisa kami,” ang sabi ni Brother Dragutin Novak, na tumulong sa pag-oorganisa ng kombensiyon. “Habang lumalala ang kaguluhan sa lipunan, napatunayan namin na kayang daigin ng pag-ibig natin bilang mga Kristiyano ang poot at pagkakabaha-bahagi.”
Mga kapatid mula sa Yugoslavia na dumalo sa internasyonal na kombensiyon na ginanap sa Zagreb noong 1991
Sa ngayon, may halos 13,000 mamamahayag ang naglilingkod nang may pagkakaisa sa mga bansa ng dating Yugoslavia. Napapatibay tayo sa pagtitiis na ipinakita ng mga kapatid natin sa mga lupaing ito sa nakalipas na 100 taon, pinapatunayan din nito na ‘lubusang pinagkakaisa ng pag-ibig ang mga tao.’—Colosas 3:14.

