ENERO 25, 2023
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Isang Dekada Na ang JW.ORG—Bahagi 2
Ina-update ang mga Kapatid sa Pinakabagong Balita
Nabasa natin sa unang bahagi ang nagawa ng jw.org para makapag-release ng mga video at digital format na mga publikasyon. Mababasa naman natin ngayon ang nagawa ng jw.org para maging updated ang mga kapatid sa pinakabagong balita na nakakaapekto sa mga Saksi ni Jehova.
Napapanahong Balita: Regular na mababasa sa seksiyong JW Balita ng jw.org ang mga updated at maaasahang impormasyon tungkol sa mga kapatid. Kasama diyan ang mga nangyaring likas na sakuna at relief work, pagbabawal ng gobyerno, di-makatarungang pagpapakulong sa mga kapatid, at iba pang mahahalagang pangyayari. Halimbawa, noong Marso 21, 2017, ibinalita natin sa lahat ng kapatid ang biglaang pagbabawal sa pagsamba ng mga Saksi ni Jehova sa Russia. Hinimok din tayo na sumulat sa mga opisyal ng gobyerno ng Russia.
Breaking News: Unang ginamit ang feature na Breaking News sa jw.org noong Hulyo 2017. Maiikling news ito para ipaalam sa mga kapatid ang iba’t ibang mga pangyayari. Naglalabas ng breaking news kapag may pinalayang kapatid na nakakulong dahil sa pananampalataya. Isang halimbawa rito ay nang palayain si Feliks Makhammadiyev mula sa kulungan sa Russia noong Disyembre 31, 2020, at makasama uli ang asawa niyang si Yevgeniya. Sa panahon ng pandemic, ginamit din ang Breaking News para ipatalastas ang online na mga kombensiyon at ang mahahalagang desisyon ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, gaya ng pagbabalik ng face-to-face na mga pulong at pampublikong pangangaral. Kadalasan nang naglalabas ng Breaking News mga ilang oras lang makalipas ang isang mahalagang pangyayari. Halimbawa, noong Hunyo 2018, naglabas ng Breaking News matapos ibaba ng Constitutional Court ng South Korea ang desisyon nito na labag sa batas ang kawalan ng gobyerno nila ng alternative civilian service.
Update ng Lupong Tagapamahala: Noong Marso 18, 2020, inilabas sa jw.org ang unang update ng Lupong Tagapamahala para patibayin ang mga kapatid sa panahon ng COVID-19 pandemic. Marami ang sasang-ayon sa sinabi ng isang sister tungkol sa mga update: “Napakalaking tulong ng mga update sa akin. Para itong isang kaibigan na laging nangungumusta sa kalagayan ko. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin kung wala ang mga update na ’to. Sakto palagi ang dating ng mga update.” Sa kabuoan, 28 na ang mga update.
Sa panahong ito na napakabilis magbago ng mga kalagayan at hindi nagkakaisa ang mga tao, napakahirap humanap ng mapagkakatiwalaang balita. Pero sa tulong ng jw.org, nakakatanggap tayo ng napapanahon at mapagkakatiwalaang mga balita. Malaking tulong ito para ‘manatili tayong panatag at nagtitiwala’ sa ating Diyos na si Jehova.—Isaias 30:15.
Mga video na dina-download kada buwan
Mga nagpupunta sa website kada buwan
Announcement tungkol sa kampanya ng pagpapadala ng sulat, Marso 2017
Unang update ng Lupong Tagapamahala, Marso 2020
Announcement ng pagbabalik ng face-to-face na mga pulong, Marso 2022
Announcement ng pagbabalik ng pampublikong pangangaral, Hunyo 2022
Release ng online na mga kombensiyon, Hunyo hanggang Agosto, 2022

