Pumunta sa nilalaman

Si Emilia sa Switzerland

ABRIL 15, 2020
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Iba’t Ibang Paraan ng Pangangaral ng mga Kabataang Saksi sa Panahon ng Pandemic

Iba’t Ibang Paraan ng Pangangaral ng mga Kabataang Saksi sa Panahon ng Pandemic

Determinado ang mga kapatid nating kabataan sa buong mundo na patuloy na mangaral sa iba at patibayin ang mga kapananampalataya nila kahit na may krisis sa kalusugan.

Sa New Zealand, naglalagay ang mga tao ng mga laruan, teddy bear, at mga larawan sa bintana nila para makita ng mga batang naglalakad. Naisip ng mga kabataang Saksi na gamitin ang paraang ito para makapangaral, kaya gumawa sila ng mga poster na may larawan nina Caleb at Sophia at may nakasulat na “Panoorin n’yo kami sa jw.org.”

Caleb at Sophia na nakadispley sa isang bintana sa New Zealand

Si Emilia, siyam na taóng gulang na taga-Switzerland at may mahinang immune system, ay sumulat sa mga nakatira sa nursing home kung saan hindi na puwede ang mga bisita. Isinama niya sa sulat ang drowing ni Noe at ng arka. Sinabi niya na kinailangan din ng pamilya ni Noe na hindi lumabas ng arka para maligtas sila. Sinabi niya sa mga nakatira doon na “huwag lumabas, gaya ni Noe.” Kapag natapos na ang pandemic, gusto ni Emilia na dalawin ang mga nasa nursing home.

Maraming natuwa sa mga sulat ni Emilia. May mga sumagot sa kaniya at sumulat siya ulit sa kanila. Nabalitaan ng isang reporter ang ginawa ni Emilia kaya naisama siya sa isang artikulo sa diyaryo.

Ang pamilyang Kempf sa Canada

Sinisikap nina Peyton at Ella Kempf, dalawang magkapatid na taga-Ontario, Canada, na laging kumustahin ang mga kakongregasyon nila sa panahon ng pandemic. Ikinuwento ng tatay nilang si Jared: “Kapag family worship namin, tumutulong ang mga anak namin sa paglilista ng mga kapatid na kokontakin namin.” Sinabi ng nanay nilang si Jessica: “Gusto naming ituro sa mga bata na mahalagang ipakita sa mga kapatid, kapamilya, at kaibigan namin na hindi namin sila nakakalimutan.”

Si Stella sa United States

Ganiyan din ang ginawa ng siyam-na-taóng gulang na si Stella at ng kaniyang nanay na taga-Colorado, U.S.A. Inilista nila ang mga may-edad nilang kakongregasyon, at isa-isa nilang tinawagan ang mga ito.

Ang magkapatid na sina Jonathan at Sean McKampson, edad 12 at 15, ay kasama ng mga magulang nila sa isang kongregasyon sa Arizona na nagsasalita ng Chinese. Para patuloy silang makapangaral, nagle-letter writing sila sa wikang Chinese tuwing umaga bago ang klase nila sa school. Dahil nag-aaral pa lang sila ng Chinese, hindi madali para sa kanila na gumawa ng mga sulat. Pero determinado silang ipangaral ang mensahe ng Bibliya sa mga nagsasalita ng Chinese.

Sina Jonathan at Sean sa United States

Anim na bata, mga edad 2 hanggang 15, ang nagpupunta sa isang nursing home sa kanlurang bahagi ng Michigan kasama ang nanay nila at ang isang sister na payunir. Pero dahil may pandemic, ipinagbawal ng mga awtoridad ang pagbisita sa nursing home. Ngayon, nagpapadala ang mga magulang nila sa mga nakatira doon ng video ng mga bata habang kumakanta ng mga Kingdom song o nagbabasa ng mga teksto. Sinabi ng therapist ng nursing home sa tatay ng mga bata na dahil sa video na ipinadala nila, napakalma ang isang tagaroon na na-depress sa mga balita tungkol sa mga namatay sa coronavirus.

Nagtitiwala tayo na masaya si Jehova sa pagsisikap ng mga kabataang ito na magpakita ng pag-ibig sa kapuwa at purihin Siya gamit ang iba’t ibang paraan ng pangangaral.—Awit 148:12, 13.