Tagalog
Dalawampu’t Limang Taon ng Espesyal na Proyekto ng Pagtatayo sa Teritoryo ng Sangay sa East Africa
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/702024208/univ/art/702024208_univ_sqr_xl.jpg

Mapa: Ang apat na bansa na nasa pangangasiwa ng sangay sa East Africa: Kenya, South Sudan, Sudan, at Tanzania. Kaliwa pakanan: Ang dating Kingdom Hall at ang bagong Kingdom Hall sa Bugarika, Tanzania

NOBYEMBRE 12, 2024
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Dalawampu’t Limang Taon ng Espesyal na Proyekto ng Pagtatayo sa Teritoryo ng Sangay sa East Africa

Halos 1,000 Kingdom Hall ang Naitayo!

Dalawampu’t Limang Taon ng Espesyal na Proyekto ng Pagtatayo sa Teritoryo ng Sangay sa East Africa

Ngayong 2024 ang ika-25 taon ng espesyal na proyekto ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa teritoryo ng sangay sa East Africa. Kasama dito ang mga bansa ng Kenya, South Sudan, Sudan, at Tanzania.

Noong 1999, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang programang Lands with Limited Resources (LWLR) a para pabilisin ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa 88 papaunlad na mga bansa. Sa kaayusang ito, tinutulungan ng mga sangay na may sobrang pondo ang mga bansang may limitadong pondo. (2 Corinto 8:13-15) Pumupunta rin sa ibang bansa ang mga Saksing may karanasan sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall para sanayin ang mga kapatid doon. Kapag nasanay na, maipagpapatuloy na ng mga kapatid doon ang gawaing pagtatayo sa lugar nila. Isang patunay na napakaganda ng programang ito ay ang patuloy na pagtatayo ng maraming Kingdom Hall sa teritoryo ng sangay sa East Africa.

Noong 1999, may mahigit 23,000 mamamahayag sa teritoryo ng sangay sa East Africa pero 51 lang ang Kingdom Hall. Karamihan ng kongregasyon ay nagtitipon sa labas, sa bahay, o sa iba pang lugar. Nang magsimulang magtayo ng Kingdom Hall ang mga kapatid bago magkaroon ng programang LWLR, ginagamit nila ang anumang materyales na mayroon sila, gaya ng mga posteng kahoy, putik, yero, at kahit pa nga tuyong dumi ng baka na hinaluan ng abo. Sinabi ni Sister Nancy Ruitha, na dumadalo noon sa Kingpost Congregation sa Embu, Kenya: “Dati, gawa sa yero ang Kingdom Hall namin. Kapag tag-init, para kang nasa pugon. Kapag umuulan naman, halos hindi namin marinig ang tagapagsalita. Ngayon, masaya kami dahil yari na ito sa bato. Mas nakikinabang na sa pulong ang mga dumadalo. Magandang patotoo rin sa komunidad ang Kingdom Hall na ito.”

Kaliwa: Ang dating Kingdom Hall sa Kayole, Nairobi, Kenya. Gitna: Ang Kingdom Hall sa Kayole na itinayo noong 1999, ang unang itinayo sa East Africa sa ilalim ng programang LWLR. Kanan: Ang ni-renovate na Kingdom Hall sa Kayole

Itinayo ng mga kapatid sa East Africa ang unang Kingdom Hall sa ilalim ng programang LWLR sa Nairobi, Kenya. Sa sumunod na 25 taon, ang 51 Kingdom Hall sa buong teritoryo ng sangay ay halos umabot na ngayon sa 1,000.

Habang mas maraming tao ang natututo tungkol sa mabuting balita ng Kaharian sa teritoryo ng sangay sa East Africa, nangangailangan ng higit pang mga Kingdom Hall. Sinabi ni Brother Timothy Stephens, na naglilingkod bilang assistant overseer ng Local Design/Construction Department sa East Africa: “Ngayong 2024, kailangan naming magtayo ng 126 na bagong Kingdom Hall at mag-renovate ng mahigit 200 Kingdom Hall. Sa susunod na limang taon, kakailanganin pa ang mas maraming Kingdom Hall.”

Kaliwa pakanan: Ang bagong Kingdom Hall at ang dating Kingdom Hall sa Lologo, South Sudan

Nagpapasalamat tayo sa lahat ng sakripisyo ng mga kapatid para matugunan ang pangangailangan ng mga kapananampalataya natin sa East Africa at sa iba pang bahagi ng mundo. Habang mas maraming Kingdom Hall ang itinatayo, nagtitiwala tayo na pagpapalain ni Jehova ang mga pagsisikap natin at tutulungan niya tayo na suportahan ang dalisay na pagsamba para sa kaniyang kapurihan at karangalan.—Isaias 2:3.

a Noong 2014, pinalitan ng Local Design/Construction ang programang Lands with Limited Resources.