Tagalog
2020 Memoryal—Africa
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/702020217/univ/art/702020217_univ_sqr_xl.jpg

ABRIL 16, 2020
BALITA SA BUONG DAIGDIG

2020 Memoryal—Africa

Programa ng Memoryal sa TV at Radyo

2020 Memoryal—Africa

Napakaespesyal ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo ngayong taóng 2020. Sa unang pagkakataon, nai-broadcast ang Memoryal sa TV at radyo sa iba’t ibang wika at lokasyon sa buong Africa.

Dahil dito, mahigit 407,000 mamamahayag ang nakapag-Memoryal, bukod pa sa mga hindi nabilang na nakapanood. Hindi natin alam kung ano ang kabuoang bilang ng mga nakapanood, pero mahigit 150 milyon ang populasyon sa mga lugar na may broadcast.

Dahil sa COVID-19, marami sa buong mundo ang gumamit ng videoconference para makadalo sa Memoryal. Pero maraming kapatid sa Africa ang nakatira sa mga lugar na mahal ang Internet at cellular service para sa pag-i-stream o pagda-download ng video. Kaya inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang ilang sangay na makipagkontrata sa mga TV at radio station. Dahil dito, nai-broadcast ang Memoryal sa teritoryo ng mga sangay sa makatuwirang halaga.

Bago ang Memoryal, 11 sangay—Angola, Benin, Cameroon, Côte d’Ivoire, Democratic Republic of the Congo, Ghana, Malawi, Mozambique, Senegal, Zambia, at Zimbabwe—ang nakipag-usap sa mga broadcasting company at isinaayos na mapanood at mapakinggan ang pahayag sa Memoryal sa mahigit 36 na lugar, sa 16 na bansa.

Angola

Anim na radio station ang pumayag na i-broadcast ang Memoryal sa anim na wika: Ibinda, Kikongo, Kimbundu, Nyaneka, Portuguese, at Umbundu. Nakakapag-broadcast ang mga radio station na ito sa mga lugar sa bansa na maraming nakatira.

Democratic Republic of the Congo

Mag-isang manonood ng Memoryal ang isang Bible study dahil ayaw ng pamilya niya sa mga Saksi ni Jehova. Pero habang naghahanda siya para sa Memoryal, tinawag siya ng tatay niya sa sala at sinabi, “Nag-uumpisa na!” Pagpunta niya sa sala, nakita niya ang buong pamilya niya na nandoon para manood ng Memoryal sa TV. Sampu sila sa pamilya na nakapanood ng programa.

Sa isang nayon malapit sa Luena, sinabi ng isang di-Saksi: “Walang ginagawa ang mga pastor namin. Pero kayo, sinasamba n’yo pa rin ang Diyos ninyo kahit may COVID-19. Sasama kami sa inyo!”

Ghana

Pumayag ang isang TV station na i-broadcast ang Memoryal sa wikang Twi. Nagpalabas pa nga ng commercial ang station na ito para imbitahan ang mga tao na manood ng Memoryal. Bukod sa Memoryal, ipinalabas din ang mga video na Bakit Namatay si Jesus? at Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?, pati na ang mga music video na Malapit Na at Ito’y Nalalapit Na.

Senegal

Sinabi ng isang sister: “Nakilala ng mga tao si Jehova dahil sa TV at radyo. Ang galing! Ang saya-saya namin. ’Yan ang Diyos naming si Jehova!”

Sinabi ng isa pang sister: “Nang malaman kong ipapalabas sa TV ang Memoryal, naisip ko, ‘Pagkakataon na namin ito para matuloy ang pag-iimbita na hindi namin nagawa dahil sa COVID-19.’ Tinawagan ko agad ang mga Bible study ko, RV, at mga kakilala kong di-Saksi para sabihin sa kanila ang tungkol sa broadcast. Siyam sa mga Bible study ko at mga pamilya nila ang nakapanood ng pahayag. Isang pinsan ko na nakapanood ng programa sa TV sa Ziguinchor ang nagtanong kung puwede naming pag-usapan ang tungkol sa pahayag na iyon, at pumayag ako.”

Pinapatunayan ng espesyal na kaayusang ito na kay Jehova, “posible ang lahat ng bagay.”—Mateo 19:26.