MARSO 7, 2023
BRAZIL
Brazil Bethel—Sinusuportahan ang Gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Loob ng 100 Taon
Ang taóng 2023 ang ika-100 taon mula nang magkaroon ng tanggapang pansangay sa Brazil. Sa loob ng 100 taon, patuloy na dumami ang bilang ng mga Saksi ni Jehova sa Brazil. Patunay ito na pinagpapala ni Jehova ang gawain.
Nagsimula ang gawaing pangangaral sa Brazil noong 1890’s nang unang ipamahagi sa bansa ang mga isyu ng Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence. Maraming tao ang naging interesado sa magasin. Kaya noong Marso 1923, ipinadala ni Brother J. F. Rutherford si Brother George Young doon para buksan ang tanggapang pansangay at organisahin ang gawaing pangangaral.
Umupa si Brother Young ng maliit na opisina sa Rio de Janeiro, at ito ang naging unang tanggapang pansangay sa South America. Isinaayos din niya na maisalin ang mga publikasyon sa Portuguese at mailimbag ang mga ito sa isang printing company doon.
Noong 1925, nagpatuloy si Brother Young bilang misyonero sa Argentina, at si Brother John Rainbow naman ang naging tagapangasiwa ng sangay sa Brazil. Noong 1926, ipinadala sa Brazil ang isang maliit na printing press mula sa Pandaigdig na Punong-Tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, U.S.A. Nakatulong ito para makapag-imprenta ang mga kapatid ng mga magasin at buklet.
Simula noong 1945, nagpadala ng mga misyonero mula sa Watchtower Bible School of Gilead para tumulong sa gawaing pangangaral sa Brazil. Talagang pinagpala ni Jehova ang mga pagsisikap nila. Mula 1948 hanggang 1968, ang bilang ng mga mamamahayag ay dumami mula 1,000 at naging 50,000. Nitong nakalipas na tatlong taon lang, may average na mahigit 21,000 na nababautismuhan bawat taon. Ngayon, mga 900,000 na ang mamamahayag sa bansa. Dahil sa pagsulong na ito, kailangang i-renovate at palakihin nang ilang beses ang Bethel. Noong 1980, inilipat ang sangay sa bayan ng Cesário Lange, mga 150 kilometro mula sa São Paulo. Mula noon, tatlong beses nang pinalaki ang mga pasilidad sa Bethel. Ngayon, mahigit 1,200 na mga kapatid ang tumutulong doon.
Masaya tayong makita kung paano pinagpala ni Jehova ang gawain sa Brazil sa nakalipas na 100 taon.—1 Corinto 3:7.

