MAYO 8, 2025
BOLIVIA
Mga kapatid na naghahanda para sa pagdating sa Bolivia ng maraming delegado mula sa iba’t ibang bansa
Una sa 19 na 2025 “Dalisay na Pagsamba” na Espesyal na Kombensiyon, Ginanap sa Bolivia
Ang unang 2025 “Dalisay na Pagsamba” na Espesyal na Kombensiyon ay ginanap sa Fexpocruz Convention Center sa Santa Cruz, Bolivia, mula Mayo 9 hanggang 11, 2025. May isa pang espesyal na kombensiyon na gaganapin din sa Santa Cruz makalipas ang dalawang linggo. Magkakaroon ng 19 na espesyal na kombensiyon a ngayong 2025 at sa pasimula ng 2026. Ang malalaking kombensiyong ito ay gaganapin sa anim na kontinente sa 29 na wika, kasama ang 7 sign language.
Nagplano at nagtrabahong mabuti ang mga kapatid sa Bolivia para matiyak na mapapangalagaan ang lahat ng bisita sa kombensiyon. Kailangan nilang ihanda ang matutuluyan, transportasyon, at pagkain ng 4,000 delegado na dadalo sa mga kombensiyon sa Bolivia. Nagsimula ang paghahanda para sa dalawang kombensiyon sa Santa Cruz noong Setyembre 2023, at mga 7,000 kapatid sa buong bansa ang nagboluntaryo. Sinabi ni Brother Caleb Loyola, miyembro ng Komite ng Sangay sa Bolivia: “Nakakatuwa at nakakapagpatibay makita kung gaano kabilis tumugon ang mga kapatid noong naghahanap kami ng boluntaryo. Kahit may trabaho sila, pamilya, at iba pang pananagutan, nagtatanong sila, ‘Ano ang maitutulong ko?’”
Mga boluntaryong gumagawa ng maliliit na regalo para sa mga delegado na dadalo sa mga kombensiyon sa Santa Cruz, Bolivia
Isa sa magagandang karanasan ng mga delegado na dadalo sa espesyal na mga kombensiyon ang makibahagi sa pangangaral kasama ng mga kapatid sa Bolivia. Halimbawa, sinabi ni Kristen, isang sister mula sa United States: “Noon ko pa gustong maranasan kung paano mangaral sa ibang bansa. Ngayon, magagawa ko na iyan at makikilala ko pa ang mga kapatid ko sa Bolivia. Sigurado akong hindi ko malilimutan ang kombensiyong ito!”
Sigurado tayong mapapatibay ng 2025 “Dalisay na Pagsamba” na Espesyal na mga Kombensiyon, pati na ng daan-daang panrehiyong kombensiyon, ang pananampalataya natin kay Jehova at ang pagkakaisa natin bilang bayan niya.—Awit 133:1.
a Gaganapin sa sumusunod na lokasyon ang 2025 “Dalisay na Pagsamba” na Espesyal na mga Kombensiyon: Tirana, Albania; Ghent, Belgium #1; Ghent, Belgium #2; Santa Cruz, Bolivia #1; Santa Cruz, Bolivia #2; Zagreb, Croatia; Jakarta, Indonesia #1; Jakarta, Indonesia #2; Kobe, Japan; Yokohama, Japan; Auckland, New Zealand; Kigali, Rwanda; Glasgow, Scotland; Colombo, Sri Lanka; Lomé, Togo; Fort Lauderdale, United States; Sacramento, United States; Harare, Zimbabwe #1; at Harare, Zimbabwe #2.

