Tagalog
Dahil sa Mabilis na Pagsulong ng Gawain sa Benin, Isang Bagong Bible Educational Center ang Itinayo
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/702025090/univ/art/702025090_univ_sqr_xl.jpg

MAYO 23, 2025
BENIN

Ang bagong Bible educational center sa Benin ay may (kaliwa) isang residential building na may 12 kuwarto at (kanan) isang gusali na may mga classroom, isang dining room, mga kuwarto ng mga instructor at iba pang boluntaryo, at iba pang pasilidad

Dahil sa Mabilis na Pagsulong ng Gawain sa Benin, Isang Bagong Bible Educational Center ang Itinayo

Dahil sa Mabilis na Pagsulong ng Gawain sa Benin, Isang Bagong Bible Educational Center ang Itinayo

Si Brother Jackson habang nagbibigay ng pahayag sa pag-aalay kasama ang isang interpreter (kaliwa)

Noong Abril 26, 2025, inialay ni Brother Geoffrey Jackson, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang bagong Bible educational center sa Calavi, Benin. Ginanap ang programa sa tanggapang pansangay sa West Africa, na malapit lang sa bagong pasilidad, at 289 na kapatid ang dumalo. May nakapanood din sa programa na 1,243 sa pamamagitan ng videoconference. Kinabukasan, nagkaroon ng espesyal na programa sa Calavi Assembly Hall at ibinrodkast ito sa lahat ng 874 na kongregasyon at group sa teritoryong sakop ng sangay sa West Africa, a at 65,724 ang dumalo rito.

Side view ng residential building sa bagong Bible educational center sa Benin

Noong 2013, isang dating missionary home at isang Kingdom Hall ang ni-renovate at ginawang unang Bible educational center sa Benin. Mula noon, halos 800 kapatid mula sa 12 lupain sa West Africa ang nakapag-aral na sa School for Kingdom Evangelizers (SKE) at sa School for Circuit Overseers and Their Wives sa pasilidad na iyon. Pero dahil parami nang parami ang nag-aaral sa mga paaralang ito, kailangan ng bagong pasilidad. Sinabi ni Brother Youssouf Ouedraogo, miyembro ng Komite ng Sangay sa West Africa: “Kahit marami sa amin ang may masasayang alaala sa pasilidad sa Abomey, dahil sa pagsulong ng gawain sa Benin at sa buong West Africa, maliwanag na kailangan ang isang bagong educational center.”

Natapos noong Pebrero 2025 ang bagong pasilidad, na binubuo ng dalawang gusali. Sa unang gusali, may mga classroom, isang dining room, kusina, library, at mga kuwarto para sa mga instructor at iba pang boluntaryo. Sa ikalawang gusali naman, may 12 kuwarto para sa mga estudyante. Taon-taon, puwedeng magdaos sa bagong educational center ng hanggang limang klase para sa SKE at dalawang klase naman para sa School for Circuit Overseers and Their Wives.

Ang unang klase para sa SKE na idinaos sa bagong pasilidad ay nagsimula noong Marso 2025. Sinabi ng isang estudyante: “Pagdating ko pa lang, hangang-hanga na ako sa pagkakagawa ng pasilidad—simple pero maganda. Kapag iniisip ko ang hirap at pagod ng mga kapatid sa pagtatayo nito, mas nagiging malinaw sa akin kung gaano kahalaga kay Jehova ang pagsasanay at pagtuturo sa mga lingkod niya.”

Masiglang nakikibahagi sa talakayan ang mga estudyante sa unang klase ng School for Kingdom Evangelizers sa bagong Bible educational center sa Benin

Nakikisaya tayo sa mga kapatid natin sa Benin at sa buong West Africa sa pag-aalay ng bagong Bible educational center na ito. Mas marami pang kapatid ang matuturuan at masasanay sa paghahayag ng kamangha-manghang mga gawa ni Jehova.​—Awit 71:17.

a Kasama sa teritoryo ng sangay sa West Africa ang Benin, Burkina Faso, Gambia, Guinea-Bissau, Mali, Niger, Senegal, at Togo.