ABRIL 20, 2022
BELGIUM
Nagpasiya Pabor sa mga Saksi ni Jehova sa Belgium ang European Court of Human Rights Tungkol sa Buwis
Sang-ayon ang lahat ng hukom sa European Court of Human Rights (ECHR) na hindi patas ang pakikitungo ng gobyerno ng Belgium sa mga Saksi ni Jehova nang kanselahin nito ang property tax exemption na dating ipinagkaloob sa siyam na kongregasyon sa Brussels-Capital Region. Inilabas ang desisyon sa kaso na Christian Assembly of Jehovah’s Witnesses and Others v. Belgium, noong Abril 5, 2022, na poprotekta sa kalayaan nating sumamba hindi lang sa Belgium kundi sa iba pang bansa sa Europe.
Lahat ng relihiyon sa Brussels-Capital Region ay hindi kailangang magbayad ng buwis para sa kanilang mga lugar ng pagsamba hanggang noong 2018. Nang taóng iyon, binago ng rehiyon ang batas nito tungkol sa mga buwis at nagpasiya na anim lang sa “kilalang relihiyon” ang may eksemsiyon sa pagbabayad ng buwis. Dahil diyan, napakalaking buwis ang ipinataw sa mga pag-aaring Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Brussels na nagkakahalaga ng taunang buwis na halos 45,000 euro ($49,025 U.S.).
Ayon sa ECHR, ang eksemsiyong ipinagkaloob sa anim na “kilalang relihiyon” lang ng Estado ay malinaw na pagtatangi ng Brussels-Capital Region laban sa mga Saksi ni Jehova at nilalabag nito ang European Convention on Human Rights.
Binanggit din ng ECHR na nagsinungaling ang gobyerno ng Belgium nang sabihin nito na puwedeng mag-aplay ang mga Saksi ni Jehova para kilalanin bilang isang relihiyon sa Estado. Sinabi ng ECHR na sa Belgium, ang Minister of Justice lang ang may kapangyarihang magbigay ng pagkilala ng Estado sa isang relihiyon. At ang desisyong ipagkaloob ito o hindi ay ayon lang sa kagustuhan ng gobyerno.
Sa kanilang opisyal na desisyon, sinabi ng ECHR na ang proseso sa Belgium para kilalanin ng Estado ay ayon sa kagustuhan ng gobyerno. Idinagdag pa nito na “hindi maaasahan ng mga grupo ng relihiyon na nag-aaplay para kilalanin ng gobyerno na magiging patas ito . . . tungkol sa isyu ng pagbabayad ng buwis.” Sa halip, pinayuhan ng Korte ang Belgium na maging “neutral at walang kinikilingan” sa pakikitungo nito sa mga grupo ng relihiyon na gaya ng mga Saksi ni Jehova.
Idiniin ng desisyon ng ECHR na hindi puwedeng idikta ng mga awtoridad sa Estado kung aling relihiyosong paniniwala ang tama at kung paano dapat isagawa ng mga tao ang kanilang pagsamba. Tutulong din ito sa iba pang bansa sa Europe na iwasang gumawa ng mga batas tungkol sa pagbabayad ng buwis na hindi pabor sa organisasyon natin.
Nagpapasalamat tayo kay Jehova sa lahat ng tagumpay natin sa legal na mga kaso na tutulong sa atin na tuparin ang pagnanais natin na luwalhatiin ang pangalan niya.—Apocalipsis 15:4.