AGOSTO 14, 2025
AZERBAIJAN
Si Brother Elgiz Ibrahimov
Ibinilanggo sa Azerbaijan ang 19-Anyos na si Elgiz Ibrahimov Dahil sa Pagtangging Magsundalo
Hindi Pinansin ng District Court ang mga Hatol Noon ng ECHR
Noong Hulyo 30, 2025, hinatulan ng Yevlax District Court sa Azerbaijan si Brother Elgiz Ibrahimov, na 19 anyos, at sinentensiyahang mabilanggo nang isang taon sa pagtangging magsundalo dahil sa pananampalataya. Pagkatapos hatulan, agad na dinala si Elgiz sa isang bilangguan na may mahigpit na seguridad. Ito ang unang pagkakataon sa halos tatlong taon na may kapatid tayong nahatulan at nabilanggo sa bansang iyon dahil sa pagtangging magsundalo.
Noong Mayo 7, 2024, ipinatawag si Elgiz sa isang military office sa lunsod ng Yevlax, na mga 265 kilometro sa kanluran ng kabisera, ang Baku. Magalang na ipinaliwanag doon ni Elgiz kung ano ang pinaniniwalaan niya kaya tumatanggi siyang magsundalo. Sinabi rin ni Elgiz na handa siyang gumawa ng alternatibong serbisyo sibil. Pero hindi siya pinagbigyan, at kinasuhan siya ng pag-iwas sa serbisyo militar.
Mula noong 2019, dalawang desisyon na ang inilabas ng European Court of Human Rights (ECHR) laban sa Azerbaijan sa ilalim ng Article 9 ng European Convention on Human Rights dahil sa pagbibilanggo nito sa ating mga kapatid na tumangging magsundalo. Bukod diyan, nang sumali ang Azerbaijan sa Council of Europe noong 2001, nangako ang pamahalaan nito na magkakaroon sila ng programa para sa alternatibong serbisyo sibil para sa mga tumatangging magsundalo dahil sa pananampalataya. Ngayon, pagkalipas ng halos 25 taon, wala pa ring naipapatupad na ganitong programa sa Azerbaijan.
Pagkatapos sentensiyahan, inilagay ang kabataang si Elgiz sa isang selda, kasama ang 40 pang bilanggo, at 10 lang ang kama doon. Sa kabila nito, nagtitiwala siya kay Jehova at madalas niyang iniisip ang sinasabi sa Josue 1:9: “Lakasan mo ang loob mo at magpakatatag ka. Huwag kang masindak o matakot, dahil kasama mo si Jehova na iyong Diyos saan ka man magpunta.”
Dalangin nating patuloy na tulungan at palakasin ni Jehova si Elgiz at ang lahat ng determinadong “sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 5:29.

