Tagalog
Isang Bagong Museum ang Binuksan ng Tanggapang Pansangay sa Argentina
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/702020149/univ/art/702020149_univ_sqr_xl.jpg

PEBRERO 25, 2020
ARGENTINA

Isang Bagong Museum ang Binuksan ng Tanggapang Pansangay sa Argentina

Isang Bagong Museum ang Binuksan ng Tanggapang Pansangay sa Argentina

Noong Disyembre 11, 2019, binuksan ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Buenos Aires, Argentina, ang isang bagong museum. May dalawa itong exhibit na may temang “Imitate Their Faith” at “Your Word Endures Forever.”

Ang “Imitate Their Faith” ay tungkol sa kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa Argentina at Uruguay. Makikita rito kung paano dumami ang mga Saksi mula 1920 hanggang sa ngayon. May bahagi rin sa exhibit tungkol sa kalagayan ng mga kapatid noong ipinagbabawal ang gawain sa Argentina. Ipinakita rito kung paano pinatalsik sa paaralan ang mga batang Saksi at kung paano sinentensiyahan ang daan-daang kabataang Kristiyano na mabilanggo nang maraming taón dahil sa pagtanggi nilang sumali sa militar. Maraming sa kanila ang binugbog at tinorture, at di-bababa sa tatlo ang namatay.

Makikita sa “Your Word Endures Forever” ang koleksiyon ng mga Bibliya at ang mga pagsisikap para isalin ang Bibliya sa wikang Spanish sa loob ng maraming taon. May 47 Bibliya sa koleksiyon, kasama na ang mahahalagang Bibliya gaya ng 1630 edisyon ng Ferrara Bible. Isa ito sa mga unang kumpletong salin ng Hebreong Kasulatan sa wikang Spanish, at makikita ang pangalan ng Diyos sa pahina ng pamagat nito. Bukod diyan, makikita rin sa exhibit ang unang edisyon ng Reina-Valera Bible noong 1602. Ginamit ng saling ito ang pangalan ng Diyos na Jehova sa buong Lumang Tipan. Ang Reina-Valera Bible ang salin ng Bibliya na ginagamit ng karamihan ng nagsasalita ng Spanish.

Orihinal na unang edisyon ng Reina-Valera Bible, na inimprenta noong 1602

Dahil maraming tao ang lumipat sa Argentina, makikita rin sa exhibit ang ilang salin ng Bibliya sa mga wikang sinasalita ng mga dayuhan na lumipat sa Argentina noong ika-19 na siglo. Makikita ng mga bisita ang mga Bibliya sa wikang Armenian, Croatian, English, German, Hebrew, Hungarian, Irish Gaelic, Italian, Portuguese, at Welsh.

Ang Ferrara Bible—1630 Edisyon; makikita sa pahina ng pamagat ang Tetragrammaton, ang apat na letrang Hebreo para sa pangalan ng Diyos na Jehova

Kasama sa koleksiyon ang mga Bibliya na isinalin sa Argentina, gaya ng 1919 Nuevo Testamento ni Pablo Besson at ang mga makabagong salin sa katutubong wika gaya ng Chorote, Mapudungún, Mocoví, Pilagá, Toba del Oeste, Toba Qom, at Wichí.

Ang 1919 New Testament ni Pablo Besson ang unang Bibliyang inilathala sa Latin America mula sa wikang Griego. Itinuturo ng pulang marka ang pangalang Jehova sa Lucas 2:15 na ibinalik ni Besson

Sinabi ni Brother Timoteo Costantino, na naglilingkod sa tanggapang pansangay ng Argentina: “Nagpapasalamat kami sa mga taong nagsikap para maging available ang mga Bibliyang ito sa exhibit. Talagang maraming natutuhan ang mga bumibisita mula sa ibang bansa at mga tagarito tungkol sa kasaysayan ng Bibliya at ng mga Saksi ni Jehova sa Argentina at Uruguay.”