HULYO 14, 2025
ALBANIA
Ang bagong-tayong Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Berat, Albania. Maliit na larawan: Ilan sa 338 kapatid na dumalo sa pag-aalay ng Kingdom Hall
Inialay ng mga Saksi sa Albania ang Unang Kingdom Hall na Itinayo sa Labas ng Pasilidad ng Bethel
Noong Mayo 18, 2025, inialay ni Brother Arben Vasili, miyembro ng Komite ng Sangay sa Albania, ang unang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova na itinayo sa labas ng pasilidad ng sangay sa Albania. May 338 kapatid na dumalo sa makasaysayang programa ng pag-aalay sa lunsod ng Berat.
Legal na kinilala ang mga Saksi ni Jehova sa Albania noong Mayo 1992. Pero hindi agad nakapagtayo ng mga lugar ng pagsamba dahil sa malalaking hadlang. Kabilang dito ang pagkuha ng kinakailangang mga legal na dokumento at pagbili ng angkop na ari-arian. Kaya naman, habang ang ilang kongregasyon sa Albania ay nagtitipon sa mga gusaling nabili at ginawang mga lugar ng pagpupulong, karamihan sa mga kongregasyon ay nagtitipon sa mga inuupahang pasilidad. Pero hindi tumigil ang mga kapatid sa paghahanap ng lote kung saan puwede silang magtayo ng Kingdom Hall. Sa wakas, nakakita sila ng magandang lokasyon sa lunsod ng Berat, mga 90 kilometro sa timog ng sangay. Pagkatapos mapagtagumpayan ang ilang hamon sa batas, tuwang-tuwa ang mga kapatid na sa wakas ay nabili nila ang lupa at nasimulan ang pagtatayo ng bagong Kingdom Hall.
Para sa maraming kapatid sa Albania, ang pagtatayo ng Kingdom Hall sa Berat ang naging unang pagkakataon nila na makibahagi sa isang teokratikong proyekto ng pagtatayo
Marami sa mahigit 370 kapatid na naglilingkod sa apat na kongregasyon sa Berat ang nagboluntaryo para tumulong sa pagtatayo ng bagong Kingdom Hall. May mga Saksi rin mula sa ibang lugar na agad na nag-alok ng tulong sa proyekto. Halimbawa, kahit isang oras ang layo ng tirahan nila, masayang-masaya si Blerim at ang asawa niyang si Vera na makibahagi sa isang teokratikong proyekto ng pagtatayo sa unang pagkakataon. Sabi nila: “Bilang mga regular pioneer, simple lang ang buhay namin. Kaya iniisip namin kung kakayanin ba talaga naming makapagboluntaryo dahil sa kalagayan namin sa pinansiyal. Kaya ipinanalangin namin iyon kay Jehova. Nakakagulat, nakakabenta kami ng sapat na prutas at gulay sa palengke bawat linggo kaya may panggastos kami habang tumutulong sa proyekto. Sobrang saya namin kasi kitang-kita namin ang suporta ni Jehova habang tumutulong kami sa pagtatayo ng Kingdom Hall!”
Masayang nagpa-picture ang mga kapatid noong ialay ang Kingdom Hall
Nakikisaya tayo sa mahal nating mga kapatid sa Albania at sama-sama nating pinasasalamatan si Jehova sa pagbibigay niya ng maganda at bagong Kingdom Hall na ito para sa kaniyang “kaluwalhatian at kapurihan.”—Filipos 1:11.

