Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ABRIL 7, 2014
UZBEKISTAN

May Natatanaw Na Bang Pag-asa Para sa mga Saksi ni Jehova sa Uzbekistan?

May Natatanaw Na Bang Pag-asa Para sa mga Saksi ni Jehova sa Uzbekistan?

Umaasa ang mga Saksi ni Jehova sa Uzbekistan na pahihintulutan sila ng mga awtoridad na malayang maisagawa ang kanilang pananampalataya. Sinabi ni Igor Yurchenko, isang lokal na kinatawan ng mga Saksi ni Jehova na nakipagpulong sa mga opisyal ng Uzbekistan noong 2013: “Napansin namin na gumanda ang pag-uusap namin ng mga awtoridad ng Uzbekistan, at mukhang desidido naman silang gumawa ng mga pagbabago. Umaasa kaming magkakaroon ng magagandang resulta ang mga pag-uusap na ito.”

Abdubannob Akhmedov

Marahil para makapagpakita ng kabaitan, pinalaya ng mga awtoridad sa Uzbekistan si Abdubannob Akhmedov noong Marso 2, 2013, matapos nitong pagdusahan ang mahigit apat at kalahating taon ng kaniyang anim-at-kalahating-taóng sentensiya. Isa siya sa tatlong Saksing nabilanggo dahil sa tahimik na pagsasagawa ng kanilang relihiyosong gawain. Nauna nang pinalaya ang dalawa niyang kasama, noong 2012. Wala nang nakabilanggong Saksi ngayon sa Uzbekistan.

Ilang buwan matapos palayain si Mr. Akhmedov, nangako ang mga awtoridad ng Uzbekistan na gagawa sila ng mga pagbabago pagdating sa paggalang sa mga karapatang pantao. Noong Hulyo 5, 2013, ipinaalam ng gobyerno ng Uzbekistan sa UN Human Rights Council Working Group on the Universal Periodic Review na handa nitong ipatupad ang mga mungkahi na kilalanin ang karapatan sa relihiyon at paniniwala ng lahat ng indibiduwal at grupo nang walang diskriminasyon.

Mga Pagsisikap na Irehistro ang mga Bagong Kongregasyon

Sa kasalukuyan, may isang rehistradong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Uzbekistan, at ito ay nasa bayan ng Chirchik, sa rehiyon ng Tashkent. Pero maraming Saksi ni Jehova ang nakatira sa iba pang mga lugar sa bansa. Dahil hindi sila makapagparehistro ng mga bagong kongregasyon mula pa noong 1996, ang mga Saksi ay mapayapang nagtitipon para sa pagsamba nang walang proteksiyon ng batas at nanganganib na maparusahan. Sinabi pa ni Mr. Yurchenko: “Umaasa kami na ang pakikipag-usap sa mga awtoridad ay magbubunga ng magagandang resulta na maaaring magbigay-daan para legal na mairehistro ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong Uzbekistan.”

Inaasam ng mga Saksi ni Jehova sa Uzbekistan ang panahon na mapayapa na silang makapagsasagawa ng pagsamba at na malapit na silang pahintulutan ng mga awtoridad na mairehistro ang mga bagong kongregasyon dito.