Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

NOBYEMBRE 13, 2014
TURKMENISTAN

Mga Saksi ni Jehova na Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya—Pinalaya ng Turkmenistan

Mga Saksi ni Jehova na Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya—Pinalaya ng Turkmenistan

Sa isang di-inaasahang pangyayari, pinagkalooban ng amnestiya ni Presidente Gurbanguly Berdimuhamedov ang walong Saksi ni Jehova na nabilanggo sa Turkmenistan dahil sa kanilang pananampalataya. Kabilang sila sa iba pang bilanggo na pinalaya noong Oktubre 22, 2014. Anim sa kanila ang nabilanggo dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng budhi at ang dalawa naman ay sa maling mga paratang dahil sa kanilang relihiyosong gawain.

Sina Merdan Amanov at Pavel Paymov

Larawan sa itaas (mula sa kaliwa pakanan): Aibek Salayev, Matkarim Aminov, at Bahram Shamuradov

Ang mga tumangging magsundalo dahil sa budhi, mga kabataang lalaki na edad 18 hanggang 23, ay ibinilanggo sa Seydi Labor Colony, na nasa disyerto ng Turkmenistan. Nasa general regime camp sina Merdan Amanov, Pavel Paymov, Suhrab Rahmanberdyyev, at Amirlan Tolkachev. Nasa mas mahigpit na regime camp naman sina Matkarim Aminov at Dovran Matyakubov (walang larawan), mga muling nahatulan sa gayunding kaso. Habang nakakulong, dumanas ang mga ito ng malupit na pagtrato at mahihirap na kalagayan.

Nasa general regime camp din sa Seydi ang 35-anyos na si Aibek Salayev at ang 42-anyos na si Bahram Shamuradov, mga Saksing nakulong dahil sa maling mga paratang. Pareho silang nasentensiyahan nang apat-na-taóng pagkabilanggo dahil sa kanilang relihiyosong mga paniniwala at gawain. Minaltrato sila habang nakakulong, bukod pa sa walang-katarungang pagkakulong dahil sa itinanim na ebidensiya.

Sina Amirlan Tolkachev at Suhrab Rahmanberdyyev

Si Ruslan Narkuliev na lang ang Saksing nakakulong sa Turkmenistan. Nakulong siya dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng budhi mga ilang linggo lang bago ang amnestiya. Maaaring hindi napasama ang pangalan niya sa listahan nang ipahayag ng Presidential Administration ang amnestiya. Inaasikaso na ng mga abogado niya sa mga awtoridad ng Turkmenistan na mapalaya siya.

Kapuri-puri ang naging desisyon ni Presidente Berdimuhamedov nang bigyan niya ng amnestiya ang walong lalaking nakabilanggo dahil sa kanilang pananampalataya. Inaasahan ng mga nagpapahalaga sa relihiyosong kalayaan na pasimula na ito ng pagbabago sa Turkmenistan—isang pagbabagong magpapahintulot sa mga Saksi ni Jehova na mamuhay kaayon ng kanilang budhi nang hindi natatakot na usigin o ibilanggo.