Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

SOUTH KOREA

Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya

Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya

Ang mga Saksi ni Jehova ay mahigit 100 taon nang aktibo sa South Korea at nagtatamasa ng kalayaan sa pagsamba—maliban sa mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi. Mula noong Korean War hanggang ngayon, patuloy na kinakasuhan doon ang mga kabataang lalaking Saksi na tumatangging magsundalo, at hindi naglalaan ng anumang alternatibo ang gobyerno para lutasin ang isyu. Ang resulta? Mahigit 18,000 Saksi ang sinentensiyahan ng South Korea ng kabuoang mahigit 36,000-taóng pagkabilanggo dahil sa pagtangging magsundalo.

Pananaw ng mga Bansa sa Karapatan ng mga Tumatangging Magsundalo Dahil sa Budhi

Ang UN Human Rights Committee (CCPR) ang sumusuri kung naipatutupad ang International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR), at hindi nagbabago ang desisyon nito na nilalabag ng South Korea * ang karapatan ng mga tumatangging magsundalo udyok ng budhi dahil ibinibilanggo nila ang mga ito. Noong Enero 14, 2015, inilabas ng CCPR ang ikalimang desisyon nito laban sa South Korea tungkol sa isyung ito. Ang desisyon, may kaugnayan sa 50 Saksi na nakabilanggo, ay pareho rin ng naunang mga desisyon na nagsasabing nilabag ng South Korea ang karapatan nila sa “kalayaan ng pag-iisip, budhi, at relihiyon.” Sinabi rin ng CCPR na ang gobyerno ay nagkasala ng “arbitrary detention,” o di-makatuwirang pagbibilanggo, dahil ibinilanggo nito ang mga lalaking iyon sa paggamit ng isang karapatang ginagarantiyahan ng ICCPR.

Pagkatapos suriin ang buong rekord ng South Korea sa mga karapatang pantao, iniharap ng CCPR ang pangwakas na mga obserbasyon nito noong Nobyembre 3, 2015. Hinimok ng CCPR ang gobyerno na palayain ang lahat ng tumatangging magsundalo dahil sa budhi, burahin ang kanilang criminal record at maglaan ng sapat na bayad-pinsala, at gumawa ng batas na maglalaan ng alternatibong serbisyong pansibilyan. Sinabi nito na dapat ding lubos na ipatupad ng gobyerno ang “Views” na nailabas na ng CCPR hanggang sa kasalukuyan.

Ang Pananaw ng mga Mamamayan sa South Korea

Dumarami ang mga mamamayan sa South Korea na nagsasabing dapat gumawa ang gobyerno ng batas na maglalaan ng katanggap-tanggap na alternatibong serbisyo para sa mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi. Idineklara ng mga hukom ng mga district court na “not guilty” ang siyam na Saksi na tumangging magsundalo udyok ng budhi. May ilang district court na nagpasa ng mga kaso sa Constitutional Court, at noong Hulyo 9, 2015, ang Korte ay nagdaos ng pagdinig para suriin kung kaayon ng konstitusyon ang hindi pagkilala ng gobyerno sa karapatang tumanggi sa pagsusundalo dahil sa budhi. Dalawang beses nang nagdesisyon ang Korte, noong 2004 at 2011, at sinabing kaayon ng konstitusyon ang hindi pagkilala ng Military Service Act sa karapatang tumanggi sa pagsusundalo dahil sa budhi. Isa pang desisyon ang malapit nang lumabas.

Time Line

  1. Hulyo 31, 2016

    May kabuoang 395 Saksi ni Jehova ang nakabilanggo dahil sa pagtangging maglingkod sa militar udyok ng budhi.

  2. Nobyembre 3, 2015

    Inilabas ng CCPR ang pangwakas na mga obserbasyon nito, na humihimok sa South Korea na maglaan ng programa ng alternatibong serbisyong pansibilyan.

  3. Hulyo 9, 2015

    Sinuri ng Constitutional Court kung labag sa konstitusyon ang ilang probisyon ng Military Service Act.

  4. Enero 14, 2015

    Naglabas ang CCPR ng Views na nagsasabing nilabag ng South Korea ang Article 18 (karapatan sa kalayaan ng pag-iisip, budhi, at relihiyon) at Article 9 (nagbabawal sa di-makatuwirang pagbibilanggo) ng ICCPR dahil pinagkaitan nito ng karapatang tumanggi sa pagsusundalo ang 50 Saksi at ibinilanggo ang mga ito.

  5. Hunyo 30, 2014

    May 28 kaso pa na diringgin ng Constitutional Court may kaugnayan sa pagtangging magsundalo dahil sa budhi; 618 lalaki ang nakabilanggo.

  6. Enero 28, 2014

    Nagbigay ang Presidente ng espesyal na amnestiya at parole na nagpaikli ng isa o dalawang buwan sa sentensiya ng mga 100 Saksing lalaki na nabilanggo dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng kanilang budhi; 513 ang nasa bilangguan noong Enero 31.

  7. Nobyembre 2013

    May kabuoang 599 na Saksi ang nakakulong dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng budhi.

  8. Abril 2013

    Pitumpung porsiyento ng mga Saksing bilanggo ang nakahiwalay sa ibang mga bilanggo at nasa mga selda kasama ng mga kapuwa Saksi.

  9. Oktubre 25, 2012

    Naglabas ang CCPR ng Views na nagsasabing nilabag ng South Korea ang Article 18 (karapatan sa kalayaan ng pag-iisip, budhi, at relihiyon) ng ICCPR dahil pinagkaitan nito ng karapatang tumanggi sa pagsusundalo ang 388 Saksi.

  10. Agosto 30, 2011

    Nagdesisyon ang Constitutional Court na ang mga batas na nagpaparusa sa mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi ay hindi labag sa Konstitusyon ng Korea.

  11. Marso 24, 2011

    Naglabas ang CCPR ng Views na nagsasabing nilabag ng South Korea ang Article 18 ng ICCPR dahil pinagkaitan nito ng karapatang tumanggi sa pagsusundalo ang 100 Saksi.

  12. Enero 15, 2009

    Kinumpirma ng report ng Presidential Commission on Suspicious Deaths in the Military na may pananagutan ang gobyerno ng South Korea sa kamatayan ng limang kabataang Saksi mula 1975 hanggang 1985; ikinulong ang mga ito dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng budhi.

  13. Disyembre 2008

    Kinansela ng South Korea ang planong magbigay ng alternatibong serbisyo para sa mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi.

  14. Setyembre 18, 2007

    Ipinahayag ng Ministry of Defense ng South Korea ang planong magbigay ng alternatibong serbisyo sa mga tumatangging magsundalo dahil sa relihiyosong paniniwala, at nangako ito na rebisahin ang mga batas may kinalaman sa paglilingkod sa militar at mga reserbang sundalo.

  15. Nobyembre 3, 2006

    Naglabas ang CCPR ng Views na nagsasabing nilabag ng South Korea ang Article 18 ng ICCPR dahil pinagkaitan nito ng karapatang tumanggi sa pagsusundalo ang dalawang Saksi.

  16. Agosto 26, 2004

    Pinagtibay ng Constitutional Court na hindi labag sa konstitusyon ang batas na nagpaparusa sa mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi.

  17. 2001

    Inihinto ng Office of Military Manpower Administration ang sapilitang pagpapalista, at ang sentensiyang tatlong-taóng pagkabilanggo ay ibinaba sa isang taon at kalahati.

  18. Disyembre 1, 1985

    Namatay si Kim, Young-geun dahil sa malupit na pagtrato ng militar noong nakabilanggo siya dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng budhi.

  19. Agosto 17, 1981

    Namatay si Kim, Sun-tae dahil sa malupit na pagtrato ng militar noong nakabilanggo siya dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng budhi.

  20. Marso 28, 1976

    Namatay si Jeong, Sang-bok pagkatapos ng matinding pambubugbog at malupit na pagtrato ng militar dahil sa pagtanggi niyang magsundalo udyok ng budhi.

  21. Marso 19, 1976

    Namatay si Lee, Choon-gil nang lubhang mapinsala ang kaniyang spleen dahil sa matinding pambubugbog ng mga pulis noong nakabilanggo siya dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng budhi.

  22. Nobyembre 14, 1975

    Namatay si Kim, Jong-sik matapos ang matinding pambubugbog at pagpapahirap ng mga opisyal ng militar dahil sa pagtanggi nitong magsundalo udyok ng budhi.

  23. 1975

    Iniutos ni Presidente Park Jeong-hee ang sapilitang pagpapalista sa militar, at ang lahat ay dapat makibahagi. Ang mga lalaking Saksi ay puwersahang dinala sa mga military recruitment center.

  24. Enero 30, 1973

    Ipinatupad ang Special Act on Criminal Punishment for Violation of Military Service Act; ang maximum na sentensiyang 3 taon para sa mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi ay itinaas sa 10 taon. Ang ilan ay paulit-ulit na pinagpapalista para magsundalo.

  25. 1953

    Sinimulang ibilanggo ng South Korea ang mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi.

^ par. 4 Ang South Korea ay miyembro ng International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR) at ng first optional protocol sa ICCPR, na nagpapahintulot sa mga mamamayan ng South Korea na sumulat sa CCPR tungkol sa mga paglabag sa ICCPR.