Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

HULYO 13, 2016
SOUTH KOREA

Mga Saksi ni Jehova na Nakakulong sa South Korea—Nagsampa ng Karagdagang Reklamo

Mga Saksi ni Jehova na Nakakulong sa South Korea—Nagsampa ng Karagdagang Reklamo

Mula Enero 2016, mahigit sa 50 lalaking taga-South Korea na tumangging magsundalo udyok ng kanilang budhi ang nagsampa ng reklamo sa UN Working Group on Arbitrary Detention (Working Group). Sinabi ng mga ito na nagkasala ang gobyerno ng South Korea ng “arbitrary detention,” o di-makatuwirang pagbibilanggo, dahil ikinulong sila batay sa kanilang lehitimong paggamit ng kalayaan sa relihiyon at budhi.

Basehan ng mga Reklamo

Bago nito, napagpasiyahan na ng dalawang lupon ng UN, ang Working Group at ang UN Human Rights Committee, na ang pagbibilanggo sa mga tumatangging maglingkod sa militar udyok ng kanilang budhi ay “arbitrary detention.” * Sinabi sa desisyon ng Committee noong 2014 tungkol sa usaping ito na dapat ihinto ng gobyerno ng South Korea ang di-makatarungang pagpaparusa sa mga tumatangging magsundalo udyok ng kanilang budhi, bayaran ang mga ibinilanggo nito, at burahin ang kanilang criminal record. Salig sa desisyong iyon, 682 Saksi sa South Korea ang nagharap ng reklamo sa Working Group. *

Inoobserbahan sa Loob at Labas ng Bansa

Matapos itawid ng Working Group sa gobyerno ng South Korea ang mga reklamo at matanggap nila ang tugon nito, ilalabas ng Working Group ang kanilang opinyon. Kung sang-ayon sila sa mga nagrereklamo na ang South Korea ay nagkasala ng arbitrary detention, hihilingin nila sa gobyerno na gawin ang kinakailangang mga hakbang upang ayusin ito at iwasang ituring na lumalabag sa batas ang mga tumatangging magsundalo udyok ng kanilang budhi.

Karagdagan pa, kasalukuyang pinag-aaralan ng Constitutional Court ng South Korea ang usapin kung kaayon ba ng konstitusyon ang Military Service Law, at malapit nang lumabas ang desisyon. Alam ng Korte na mahigit 600 reklamo ang idinulog sa Working Group. Alam din ng Korte na ilang beses nang hinimok ng UN Human Rights Committee ang South Korea na kilalaning isang karapatan ang pagtangging magsundalo udyok ng budhi at maglaan ng isang programa ng alternatibong serbisyong pansibilyan. Maingat na binabantayan ng internasyonal na komunidad kung itataguyod ng pinakamataas na hukuman ng South Korea ang saligang karapatan na tumangging magsundalo udyok ng budhi.

^ par. 4 Human Rights Council, Opinions adopted by the Working Group on Arbitrary Detention, Opinion No. 16/2008 (Turkey), UN Doc. A/HRC/10/21/Add.1, p. 145, par. 38 (May 9, 2008). Human Rights Committee, Views, Young-kwan Kim et al. v. Republic of Korea, Communication No. 2179/2012, UN Doc. CCPR/C/112/D/2179/2012, par. 7.5 (October 15, 2014).

^ par. 4 Noong 2015, 631 katao na tumangging magsundalo udyok ng kanilang budhi ang nagsampa ng reklamo, at may karagdagan pang 51 nitong 2016.