Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

NOBYEMBRE 28, 2014
RUSSIA

Apela sa Rostov Regional Court—Pawawalang-Sala Ba o Ikukulong ang mga Saksi ni Jehova?

Apela sa Rostov Regional Court—Pawawalang-Sala Ba o Ikukulong ang mga Saksi ni Jehova?

Noong Disyembre 11, 2014, dininig ng Rostov Regional Court ang apela ng 16 na Saksi ni Jehova sa Taganrog, Russia, sa kasong kriminal laban sa kanila. Kinasuhan sila dahil sa pagdalo at pag-oorganisa ng mapayapang relihiyosong mga pulong.

Nagsimula ang matinding pagsubok sa mga Saksi noong 2011, nang halughugin ng mga pulis doon ang kanilang mga tahanan at palihim na irekord ang kanilang relihiyosong mga pulong. Nauwi ito sa kriminal na mga paratang. Pagkatapos ng 15-buwang paglilitis, hinatulan ng Taganrog City Court ang pitong Saksi noong Hulyo 30, 2014. Pinagmulta nang malaki ng hukom ang pitong ito at sinentensiyahan nang mahabang pagkabilanggo ang apat sa kanila, pero agad niyang binawi ang desisyon. Pinawalang-sala ng hukom ang siyam na iba pang Saksi batay sa matitibay na dahilan, pero iginiit pa rin niya na nagsagawa sila ng ekstremistang gawain. Lahat ng 16 na Saksi ay umapela na lubusan silang pawalang-sala laban sa kriminal na mga paratang sa kanila.

Umapela rin ang prosecutor. Hiniling niya sa Rostov Regional Court na ikulong ang apat na Saksi, na mga ministro ng relihiyon, pagkatapos ng pagdinig. Hiniling din niya na baligtarin ng hukuman ang pagpapawalang-sala sa siyam na iba pang Saksi at ipahayag silang may-sala dahil sa ‘ekstremistang’ gawain.

Sinabi ni Vasiliy Kalin, kinatawan ng Administrative Center of Jehovah’s Witnesses sa Russia: “Inaasahan kong makikita ng Rostov Regional Court ang kawalang-katarungang naranasan ng 16 na biktimang ito ng relihiyosong paniniil at pawawalang-sala ang kriminal na hatol laban sa kanila.”