Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ABRIL 7, 2016
RUSSIA

Nagbanta ang mga Awtoridad na Ipasasara ang Punong-Tanggapan ng mga Saksi sa Russia

Nagbanta ang mga Awtoridad na Ipasasara ang Punong-Tanggapan ng mga Saksi sa Russia

Pormal na binabalaan ng Prosecutor General’s Office of the Russian Federation ang Administrative Center of Jehovah’s Witnesses sa Russia dahil sa pag-oorganisa nito ng relihiyosong gawain—na kapareho rin ng mapayapang gawain ng mga Saksi sa buong mundo. Ayon sa babala, na may petsang Marso 2, 2016, at pirmado ni Deputy Prosecutor V. Ya. Grin, ang pagsamba ng mga Saksi ni Jehova ay “extremist activity,” o panatikong gawain, at ipasasara ang Center kung hindi nito ititigil ang lahat ng “paglabag” sa susunod na dalawang buwan.

Ang pag-atakeng ito sa punong-tanggapan ng mga Saksi sa bansang iyon ay kasukdulan ng isang agresibong kampanya na suportado na gobyerno. Mula pa noong 2007, inaakusahan na ng mga awtoridad sa Russia ng diumano’y ekstremismo ang mga Saksi ni Jehova, batay sa di-tamang paggamit ng batas may kinalaman sa ekstremismo, kung kaya ipinasara ang ilan sa lokal na relihiyosong korporasyon ng mga Saksi at ipinagbawal ang maraming relihiyosong publikasyon na ginagamit nila.