Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

PEBRERO 27, 2017
RUSSIA

Ministry of Justice, Nagsasagawa ng Masusing Inspeksiyon sa Pambansang Tanggapan ng mga Saksi sa Russia

Ministry of Justice, Nagsasagawa ng Masusing Inspeksiyon sa Pambansang Tanggapan ng mga Saksi sa Russia

Ang Ministry of Justice ng Russia ay nagsasagawa ng masusing imbestigasyon sa pambansang tanggapan ng mga Saksi sa Russia. Sa utos ng Prosecutor General, inabisuhan ng Ministry of Justice ang mga Saksi noong Pebrero 1, 2017, na iinspeksiyunin nito ang kanilang Administrative Center. Bilang bahagi ng inspeksiyong iyon, na gagawin mula Pebrero 8 hanggang 27, sinabihan ng Ministry of Justice ang Administrative Center na ipakita ang lahat ng rekord nila may kaugnayan sa kanilang mga ari-arian, pananalapi, istraktura ng organisasyon, mga gawain sa pagtuturo, at mga doktrina. Mahigit 73,000 pahina ng mga hinihinging dokumento ang isinumite ng Administrative Center sa mga awtoridad noong Pebrero 15, 2017.

Ang masusing inspeksiyong ito ay kasunod ng desisyon ng Moscow City Court kamakailan na nagtibay sa babalang ibinigay ng Prosecutor General sa Administrative Center noong Marso 2016. Sa babalang iyon, nagbanta ang Prosecutor General na ipasasara ang Administrative Center salig sa paratang na ekstremismo. Mula noon, ang mga hukuman sa iba pang lugar sa Russia ay nagdesisyong buwagin ang ilang lokal na korporasyon ng mga Saksi dahil sa diumano’y “ekstremistang gawain,” kahit malinaw ang ebidensiya na ang mga paratang ay batay sa gawa-gawang ebidensiya.

Sa inspeksiyong ito, ang mga Saksi ni Jehova sa Russia ay nag-aalala na malapit nang buwagin ang kanilang pambansang tanggapan. Sa ngayon, ipinakikita ng mga awtoridad sa Russia na hindi nila susundin ang internasyonal na mga pamantayan tungkol sa mga karapatang pantao sa pamamagitan ng pag-atake, at posibleng pagbabawal, sa mapayapang pagsamba ng mga Saksi ni Jehova.