Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ERITREA

Maikling Impormasyon—Eritrea

Maikling Impormasyon—Eritrea

Ang mga Saksi ni Jehova sa Eritrea ay dumaranas ng napakatinding pag-uusig. Mula nang maging independiyenteng bansa ang Eritrea noong 1993, patuloy nitong ibinibilanggo, pinahihirapan, at nililigalig ang mga Saksi ni Jehova. Sa isang utos ng pangulo noong Oktubre 25, 1994, idineklara nito na “isinuko [ng mga Saksi] ang kanilang pagiging mamamayan ng Eritrea” sa pamamagitan ng pagtangging makibahagi sa politika o magsundalo. Dahil dito, ang mga Saksi ay inalisan ng pamahalaan ng kanilang mga karapatang sibil.

Dahil sa matagal na panahong pag-uusig at pagpapahirap sa mga Saksi, marami ang napilitang umalis ng bansa. Ang mga naiwan ay laging nangangambang makaranas ng pagmamaltrato, at kailangan nila ng dobleng pag-iingat sa pagsasagawa ng anumang relihiyosong gawain. Sa paglipas ng mga taon, marami nang Saksi ang naaresto at nabilanggo—ang ilan ay dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng budhi at ang iba naman ay dahil sa pagdalo sa relihiyosong mga pagtitipon, pakikipag-usap sa iba tungkol sa Bibliya, o iba pang di-malamang kadahilanan. Kabilang sa mga ikinukulong ang mga may-edad na lalaki, babae, at kung minsan, kahit mga bata. Tatlong lalaking Saksi ang mahigit 20 taon nang nakabilanggo. Wala ni isa man sa kanila ang pormal na sinampahan ng kaso o nilitis at nasentensiyahan.

Nakatawag-pansin sa buong daigdig ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Eritrea. Ibinangon ng mga opisyal ng gobyerno ng Africa, Europe, at United States ang usaping ito laban sa mga opisyal ng Eritrea, pero hindi pa rin gaanong kumikilos ang pamahalaan. Maraming beses na ring hiniling ng mga Saksi na makipagpulong sa mga opisyal ng Eritrea sa Asmara para maresolba ang mga problema, pero tumatanggi itong makipag-usap sa kanila.