Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Pumili ng wika Tagalog

Gumagamit ng display cart ng literatura para magbahagi ng isang mensahe ng Bibliya sa Sofia, Bulgaria

PEBRERO 14, 2017
BULGARIA

Itataguyod Ba ng mga Korte sa Bulgaria ang Kalayaan sa Pagsamba?

Itataguyod Ba ng mga Korte sa Bulgaria ang Kalayaan sa Pagsamba?

Noong Hunyo 4, 2016, nakatayo si Nikolai Stoyanov sa tabi ng isang maliit na display cart ng literatura sa pampublikong kalsada sa Burgas. Nag-aalok siya ng mga libreng publikasyon ng mga Saksi ni Jehova sa mga dumaraan. Bandang alas-siyete ng gabi, dumating ang mga pulis. Inakusahan nila si Nikolai ng paglabag sa isang ordinansa ng lunsod at pinagmulta ng 50 leva ($27 U.S.). Isa siya sa limang Saksi ni Jehova sa Burgas na inakusahan at pinagmulta noong Mayo at Hunyo dahil sa kanilang mapayapang relihiyosong gawain.

Idineklara ng mga Korte na Binale-wala ng mga City Council ang Karapatan sa Malayang Pagsamba

Inapela ni Nikolai at ng apat pang Saksi ang mga hatol at multa. Sa mga desisyon ng Burgas Regional Court noong Oktubre at Nobyembre 2016, pinawalang-sala si Nikolai at ang iba pang mga Saksi at kinansela ang kanilang multa.

Samantala, kinuwestiyon ng mga Saksi ni Jehova kung kaayon ba ng Konstitusyon ang ordinansa sa Burgas. Noong Oktubre 12, 2016, idineklara ng Burgas Administrative Court na ang ordinansang nagbabawal sa relihiyosong gawain ng mga Saksi ay labag sa Konstitusyon ng Bulgaria at sa pangako nito sa internasyonal na komunidad na magtaguyod ng kalayaan sa pagsamba.

Alam na ng Burgas City Council na ang mahihigpit na probisyon ng Ordinance for Preservation of Public Order ay labag sa mga karapatang itinataguyod ng Konstitusyon. Noong 2013, isang nasyonalistang partido politikal ang nagsulong ng mga amyenda dahil may mga nagrereklamo raw tungkol sa gawain ng mga Saksi. Sinuri ng district governor ang ordinansa at ipinasiyang ang mga amyenda ay di-makatarungan at naglabas siya ng utos na nagsasabing labag sa Konstitusyon ang mga iyon. Pero kinansela ng sumunod na district governor ang utos, at inaprobahan ng city council ang mga amyenda. Binabalaan ng ombudsman ang city council na labag sa batas ang mga bagong regulasyon, pero ipinatupad pa rin ang mga iyon hanggang sa pawalang-bisa ng Burgas Regional Court.

May katulad na mga pangyayari sa Kyustendil, kung saan sinadya ng city council na amyendahan ang isang ordinansa para higpitan ang kalayaan sa pagsamba at pagkatapos ay inutusan ang mga pulis na ipatupad ang mga amyendang iyon. Binaligtad ng Kyustendil Administrative Court ang anim na desisyon ng korte at mga multa na hanggang 800 leva ($439 U.S.) na sinisingil sa mga Saksi dahil sa diumano’y ilegal na relihiyosong gawain. Sinabi nito sa isa sa mga desisyon: “Ang Aplikante ay pinananagot sa isang pagkilos na sa pinakadiwa ay kumakatawan sa paggamit niya ng karapatan sa malayang pagsamba na ginagarantiyahan ng Konstitusyon at ng LRA [Law of Religious Acts].” Noong Hunyo 24, 2016, ipinagkaloob ng korte ring iyon ang isang kahilingang isinampa ng lokal na mga Saksi at idineklarang hindi kaayon ng Konstitusyon ang mga amyenda sa ordinansa. * Ang desisyon ay inapela ng Kyustendil City Council sa Supreme Court.

Iba-ibang Reaksiyon sa Karapatang Magpahayag ng Relihiyosong Paniniwala

Sa nakalipas na mga taon, di-kukulangin sa 44 na munisipalidad sa Bulgaria ang nag-amyenda ng mga ordinansa para higpitan ang gawain ng rehistradong mga relihiyon. Kapag ipinatutupad ng lokal na mga awtoridad ang napakahigpit na mga ordinansa, ang mga Saksi ay pinadadalhan ng mga babala, ipinatatawag sa korte, pinagmumulta, pinagbabantaan, at ginagawan pa nga ng karahasan. Halimbawa, noong Marso 26, 2016, dalawang babaeng Saksi ang binantaan ni Marin Tsvetkov, isang opisyal sa lunsod ng Vratsa, na ipasasalakay niya sila sa mga sigang football player. Pagkatapos ay inagaw niya at sinira ang ilan sa kanilang literatura.

Pero sa ibang lugar naman, ang mga opisyal na bukas ang isip at ang mga korte ay sumusuporta sa kalayaan sa pagsamba. Noong Hunyo 2, 2016, tatlong opisyal ang lumapit sa isang grupo ng mga Saksi ni Jehova na gumagamit ng literature cart sa kabiserang lunsod ng Sofia at hiningi ang permit nila na magsagawa ng boluntaryong gawaing ito. Matapos suriin ang sitwasyon, nakumpirma ng mga opisyal na ginagarantiyahan ng Konstitusyon ng Bulgaria ang karapatang magsagawa ng mapayapang gawaing iyon. Sa Plovdiv, ang ikalawang pinakamalaking lunsod sa bansa, ibinasura ng city council ang pagtatangka ng isang politikal na grupo na amyendahan ang Ordinance of Public Order and Security para ipagbawal ang relihiyon ng mga Saksi ni Jehova.

Ano ang Mangyayari sa mga Ordinansang Kinuwestiyon?

Gumagawa ng hakbang ang mga Saksi ni Jehova sa Bulgaria para kuwestiyunin ang 44 na ordinansa na may layuning higpitan ang karapatang ibahagi sa iba ang relihiyosong paniniwala. Si Krassimir Velev, isang tagapagsalita para sa pambansang tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, na nasa Sofia, ay nagsabi: “Naglalaan ng serbisyo sa komunidad ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang pakikipag-usap sa mga tao tungkol sa mga isyung ikinababahala nila at sa pagbabahagi ng kasiya-siyang mga sagot mula sa Bibliya. Gusto ng marami ang aming mensahe, pero sa mga munisipalidad na may mahihigpit na ordinansa, pinag-iinitan kami dahil sa pamamahagi ng libreng literatura o kahit sa pagsasabi lang sa iba ng aming relihiyosong paniniwala. Kapag makatuwiran itong gawin, ipinagtatanggol namin ang aming mahalaga at bigay-Diyos na karapatan sa malayang pagsamba.”

Nagpapasalamat ang mga Saksi ni Jehova na maraming matataas na opisyal at mga korte sa Bulgaria ang nagtataguyod ng kalayaan sa pagsamba na nagdudulot ng pakinabang sa lahat ng sektor ng lipunan. Panahon lang ang makapagsasabi kung babaguhin ng mga awtoridad ang iba pang mga ordinansa na ipinatutupad para higpitan ang relihiyosong gawain sa Bulgaria.

^ par. 7 Ang Bulgaria ay lumagda sa European Convention on Human Rights, na gumagarantiya sa kalayaang magpahayag ng relihiyon o paniniwala, sa pagsamba, turo, gawain, at pangingilin. Sa pananaw ng European Court of Human Rights at ng European Commission for Democracy Through Law (Venice Commission), ang garantiyang ito ay pumoprotekta sa mga Saksi ni Jehova sa kanilang mapayapang pagtitipon para sa pagsamba o sa pagsasabi nila ng kanilang paniniwala sa ibang mga tao.