Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

HUNYO 11, 2015
AZERBAIJAN

Panawagan ng mga Saksi ni Jehova, Wakasan ang Di-makatarungang Pagpapakulong sa Azerbaijan

Panawagan ng mga Saksi ni Jehova, Wakasan ang Di-makatarungang Pagpapakulong sa Azerbaijan

Ang mga Saksi ni Jehova ay nananawagan sa internasyonal na mga awtoridad na tutulan ang di-makatarungang pagpapakulong kina Irina Zakharchenko at Valida Jabrayilova. Ang dalawang babae ay nakakulong na mula pa noong Pebrero 17, 2015, nang sentensiyahan sila ng Sabail District Court ng tatlong-buwang pagkakakulong bago pa man sila litisin sa paratang na pamamahagi ng relihiyosong literatura nang walang pahintulot. Kamakailan, dinagdagan ng korte ng dalawang buwan pa ang kanilang pagkakakulong.

Sina Irina Zakharchenko at Valida Jabrayilova

Mapagpayapang mga Babae, Tinrato na Mapanganib na Kriminal

Noong Disyembre 5, 2014, sina Ms. Zakharchenko at Ms. Jabrayilova ay nakikipag-usap sa mga residente ng isang apartment complex sa Baku tungkol sa kanilang salig-Bibliyang paniniwala nang hulihin sila ng mga pulis. Pinalaya sila ng mga pulis makalipas ang ilang oras, ngunit paulit-ulit silang ipinatawag ng mga imbestigador para pagtatanungin. Noong Pebrero 17, 2015, biglang isinailalim ng mga agent ng Ministry of National Security (MNS) ang dalawang babae sa isang pagdinig sa kaso na hindi bukás sa publiko (closed hearing) para sampahan ng kasong kriminal. Itinuring sila ng hukom bilang isang “banta sa publiko” para ipagmatuwid ang pagpapakulong sa mga ito bago pa ang paglilitis. Agad na ikinulong ng MNS ang mga babae sa punong-tanggapan nito, na nakalarawan sa itaas.

Mula noon, hinalughog ng mga agent ng MNS ang kanilang mga tahanan at kinumpiska ang relihiyosong mga literatura, personal na mga notebook, laptop, at cellphone. Ibinasura ng korte ang lahat ng pag-apelang ginawa para sa mga babaeng ito at hindi pumayag na ma-house arrest na lang sila sa halip na makulong nang hindi pa nalilitis.

Pagkabahala sa Kanilang Kalusugan

Nababahala ang mga abogado, pamilya, at mga kaibigan sa lagay ng kalusugan ng dalawang babae, na sa tingin nila ay lumalala. Si Ms. Zakharchenko ay 55 anyos na at ayon sa mga doktor, halos baldado na ang kaniyang buong katawan dahil sa matinding artritis at dating pinsala sa kaniyang kanang binti.

Lalo nang nakababahala ang emosyonal na kalusugan ng mga babaeng ito. Ang mga abogado lang nila ang pinapayagan ng MNS na dumalaw sa kanila. Ang mga kamag-anak ay makapagpapadala lang ng mga kailangan nila, gaya ng damit, gamot, at sabon, minsan sa isang buwan. Para makapagbigay ng kaaliwan, sinikap ng mga kapamilya na bigyan sila ng Bibliya, ngunit hindi pumayag ang MNS.

Papayagan Ba ng Azerbaijan ang Kalayaan sa Relihiyon?

Bilang bahagi ng imbestigasyon kina Ms. Zakharchenko at Ms. Jabrayilova, ipinatawag at pinagtatanong ng MNS ang mga 20 iba pang Saksi at hinalughog ang di-kukulangin sa 10 tahanan. Bukod diyan, hinalughog din ng mga opisyal na kumakatawan sa MNS, mga agent ng State Committee for Work with Religious Associations, at mga pulis ang Kingdom Hall kung saan sumasamba ang dalawang babae.

Yamang hindi nagbibigay ng mapagpipilian ang mga awtoridad ng Azerbaijan, umapela na ang mga Saksi ni Jehova sa Office of the High Commissioner for Human Rights at kinontak ang ilang internasyonal na organisasyon para itawag-pansin ang di-makatarungang pagpapakulong at pagtrato kina Ms. Zakharchenko at Ms. Jabrayilova. Kasali ang Azerbaijan sa mga bansang nangako na itataguyod ang mga karapatang pantao at saligang mga kalayaan, at ipinagmamalaki pa nga na ang kanilang bansa ay mapagparaya sa relihiyon.

Buong-paggalang na hinihiling ng mga Saksi ni Jehova sa gobyerno ng Azerbaijan na tuparin nito ang pangakong itataguyod ang mga karapatang pantao at hayaan ang mga Saksi na isagawa nang mapayapa ang kanilang pagsamba. Nakikiusap sila sa gobyerno ng Azerbaijan na palayain na ang mga inosenteng babaeng ito.