Aktibo na ang mga Saksi ni Jehova sa Sri Lanka mula pa noong 1910. May itinayo silang opisina noong 1952 na nagsasaayos ng kanilang gawain. At noong 1981, inirehistro nila ang legal na korporasyon nitong Watch Tower Bible and Tract Society of Lanka. Sa pangkalahatan, malaya nilang naisasagawa ang kanilang relihiyon.

Ang pangunahing isyung kinakaharap ng mga Saksi ay ang pang-uumog na udyok ng mga ekstremistang mongheng Budista. Sa maraming kaso, lumalala ang problema dahil sa kawalang-aksiyon ng mga awtoridad para protektahan ang mga Saksi at parusahan ang mga salarin. Noong 2014, nagpahayag ng pagkabahala ang UN Human Rights Committee, na hinihimok ang gobyerno na kumilos para patigilin ang mga pang-uumog na ito at parusahan ang mga salarin na nambibiktima sa mga grupo ng relihiyon gaya ng mga Saksi ni Jehova.

Umapela na ang mga Saksi sa matataas na hukuman pati na sa gobyerno ng Sri Lanka tungkol sa problemang ito. Umaasa ang mga Saksi ni Jehova sa Sri Lanka na maisasagawa nila ang kanilang pagsamba nang malaya at walang pangamba.