Ang Ministry of Justice (Ministry) ng Russia ay nagsampa ng kaso sa Supreme Court para hilingin na “ideklarang ekstremista ang relihiyosong organisasyon, ang Administrative Center of Jehovah’s Witnesses, ipagbawal ang gawain nito, at buwagin ito.” Noong Marso 15, 2017, naglagay ng patalastas ang Supreme Court sa opisyal na website nito na nagsasabing natanggap nito ang kasong isinampa ng Ministry. Nang maglaon, tumanggap ang Administrative Center ng abiso na pag-aaralan ng Supreme Court ang kaso at na nag-iskedyul ito ng hearing sa Abril 5, 2017, alas-10 ng umaga.

Kapag ang naging desisyon ng Supreme Court ay pabor sa Ministry, masama ang magiging epekto nito sa mga Saksi ni Jehova sa Russia. Maaaring kunin sa mga Saksi ang kanilang mga ari-arian na ginagamit sa pagsamba, buwagin ang halos 400 legal na korporasyon, at kasuhan ang bawat isa sa mahigit 170,000 Saksi dahil lang sa pagdalo sa relihiyosong pagtitipon, pagbabasa ng Bibliya nang magkakasama, o pakikipag-usap sa iba tungkol sa kanilang paniniwala.

Sinabi ni Vasiliy Kalin, isang kinatawan ng Administrative Center sa Russia: “Ang hangad lang ng bawat Saksi ni Jehova sa Russia ay ang mapayapang makasamba sa aming Diyos. Sa loob ng mahigit 100 taon, binabale-wala ng mga awtoridad sa Russia ang mga garantiyang ibinibigay ng kanila mismong mga batas, na nagkaloob sa amin ng karapatang ito. Noong bata pa ako, ipinatapon ni Stalin ang pamilya namin sa Siberia dahil mga Saksi ni Jehova kami. Nakakalungkot at maling-mali na mararanasan din ito ng aking mga anak at mga apo. Hinding-hindi ko inaasahan na mapapaharap uli kami sa pag-uusig sa modernong Russia.”