OKTUBRE 8, 2018
ANO’NG BAGO?
Bagong mga Publikasyon at Pagbabago sa mga Website at App
Sa taunang miting ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania noong Oktubre 6, 2018, dalawang bagong publikasyon ang inilabas. Ang aklat na Pure Worship of Jehovah—Restored At Last! ay batay sa hula ni Ezekiel, at ang brosyur na Maging Mahusay sa Pagbabasa at Pagtuturo ay dinisenyo para tulungan ang mga Saksi ni Jehova na mapahusay ang kanilang pagbabasa at pagtuturo.
Ang aklat na Pure Worship sa Ingles at ang brosyur na Pagtuturo sa ilang wika ay available na sa website na jw.org® at sa app na JW Library®. Sa mga susunod na buwan, ilalabas ang aklat na Pure Worship sa iba pang wika.
Ipinatalastas din sa taunang miting na inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang malaking pagbabago sa mga website natin at mga app. Babaguhin ang disenyo ng jw.org at isasama rito ang ilang nilalaman at feature ng JW Broadcasting® at Watchtower ONLINE LIBRARY. Bukod diyan, babaguhin ang disenyo ng JW Library para maisama rito ang mga nilalaman at feature ng Watchtower Library, pati ang mga lumalabas lang sa jw.org. Ang hitsura ng bagong website at app ay gagawing magkapareho at aayusin para mas madaling gamitin. Halimbawa, para matiyak na ang binagong website at app ay hindi mahirap i-navigate, pasisimplehin ang mahahalagang bahagi nito para madaling maghanap ng espirituwal na pagkain. Nagsimula na ang pagpaplano at pagdidisenyo ng malaking proyektong ito. Makakakita ka ng mga pagbabago sa mga susunod na buwan.

